^

Santa Claus darating maski may pandemic

SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - December 25, 2020 - 12:00am

Walang palya tuwing Pasko pumapasyal si Santa Claus sa aming bahay. Hindi namin nakikita si Santa; habang tulog lahat, nag-iiwan lang siya ng regalo sa loob ng medyas­ na sinabit sa may bintana. Kaya nga sinisigurado ng anak ko, 36-anyos na doktora, na nasa amin siya sa espes­yal na araw na ito, para maisama sa mga reregaluhan ni Santa. Pagkadukot sa medyas, bakas sa mata at tinig ni doktora ang ligaya sa pagbalita sa amin ni Misis kung ano ang sorpresa ni Santa. Tila napawi lahat ng pagod niya sa paggamot sa libong pasyente buong taon, sa pag­turo ng Medisina, at pagdalo sa seminars pang-espes­yalista.

Hindi mamahalin ang mga iniiwan ni Santa. Mula nu’ng bata pa si doktora, naaalala ko na nasorpresa siya ng man­­yika, hairbrush, duster. Minsan nga, palagay ko busy mas­yado si Santa nu’ng Paskong ‘yon, ang iniwan niya ay munting gift check ng happy meal. Pero pinaka-galak si doktora noon pa hanggang ngayon kapag ang regalo ni Santa ay libro.

Masayang maregaluhan ni Santa, bata man o lampas na ng teenage. ‘Yun marahil ang tinatawag ng mga pantas na innocence. Ang kawalan-muwang ay ‘di nanganga­hu­­lugang katangahan o kawalang-sala. Ito’y ang pag-asam sa simple, pagkauhaw sa kaalaman, at walang duda sa Diyos. Nahahambing ang kawalan-muwang sa bata na binabalewala ang pagka-hubo’t hubad, basta makatakbo lang sa hardin para kausapin ang mga bulaklak at panga­lanan ang mga insekto’t ibon.

‘Di ko alam kung kailan ako “nagkamuwang”. Naaalala ko ang mga “nakakamulat” na Pasko: 1972 nang ibinilanggong-pulitikal ako sa edad-17 sa martial law ni Marcos, at 1983 nang i-layoff kaming empleyados sa walang-batayan at ‘di-makatarungang paratang ng pag-uunyon.

‘Di ko rin matitiyak ang tadhana ng anak kong doktora. Ang kaya ko lang ay ipaalala sa kanya at sa mister na may iniwang regalo si Santa para sa kanila, kaya halina sa bahay. Panalangin ko rin na sa susunod at marami pang Pasko ay magsasabit kami ng dagdag pang mga medyas.

SANTA CLAUS
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with