Mga dorobo, ginagawang palaruan ang Lazada’t Shopee

UNFILTERED - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - December 4, 2020 - 12:00am

Masisisi ba ang Lazada at Shopee sa naglipanang pekeng produkto sa kanilang site? Maaaring “oo” o “hindi”.

Oo dahil pananagutan nilang alamin, kilalanin at suriin kung lehitimong vendor o seller ang pumapasok sa kanilang online shopping site.

Hindi, dahil ang kanilang katwiran, courier outlet lamang sila. Isa itong malaking kalokohan.

Kaya ganun na lang kagarapal ang mga dorobo na gawing palaruan ang Lazada at Shopee dahil lumalabas, tila wala silang pakialam.

Hindi naniniwala ang BITAG na walang pananagutan ang Lazada at Shopee sa mga customer na biktima ng online shopping fraud.

Katunayan ay maaari silang i-summon ng Department of Trade and Industry para tawagan ng pansin ang vendor na nagkaproblema o nanloko.

Okay lang sana kung mga damit, sapatos, alahas at kung anu-ano pang pekeng gamit ang ibenta riyan na hindi makakapinsala sa buhay ng tao.

Paano yung mga herbal supplement, pagkain o inumin na pinepeke?  Totoong produkto pero peke ang laman, botelya, packaging at selyo.

Nalintikan na, makakapinsala ito ng kalusugan at masaklap magdulot ng masamang epekto sa buhay ng consumer kapag ininom ang mga pekeng produktong pangkalusugan

Kaya hindi pupuwedeng sabihing walang pananagu-tan ang Lazada at Shopee dahil ang pinag-uusapan dito ay maprotektahan ang kalusugan ng publiko.

Katulad nitong One Full Life na kasalukuyang markado na rin ng Food and Drugs Authority (FDA) dahil sa hindi awtorisadong pagbebenta ng iba’t ibang herbal supplement. Isa sa kanilang pinepeke at binebenta online ay ang Kings Herbal.

Eto ang nakababahala, ayon sa National Bureau of Investigation Cybercrime Division, may estilo itong mga dorobong seller sa Lazada at Shopee.

Kapag naireklamo, matatanggal ang kanilang store account online. Kuwidaw, dahil magpapalit lang sila ng pangalan, magrerehistro pabalik sa Lazada at Shopee, tuloy ulit ang panloloko.

May mga impormasyong nakaabot sa BITAG na nagluwag daw ang Lazada sa pagtanggap ng mga vendor at seller. Kung dati, sandamakmak na dokumento ang hinihingi bago makapagrehistro, ngayon ay isang ID na lang ang kailangan at puwede ka nang magbenta.

Hindi na ako magtataka kung bakit 500% ang itinaas ng istatistika ng mga nabibiktima ng online shopping fraud simula magpandemya.

LAZADA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with