Hindi na raw kailangan ang social distancing kung...

K KA LANG - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - December 3, 2020 - 12:00am

Maaaring umabot sa kalahating milyon ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng taong ito. Ito ang pahayag ng OCTA Research Team dahil walang indi­kasyon na bumabagal ang dami ng bilang ng mga kaso sa bansa. Medyo tumaas pa nga noong Nobyembre at ngayong Disyembre at kapaskuhan, maaaring lumobo ito.

Ayon sa OCTA, ang mga bagong kaso sa bansa ay dulot ng “community transmission” dahil sa pagbukas ng ekonomiya. Ibig sabihin, dahil mas marami nang tao sa labas ng kanilang tahanan, dumarami ang nahahawa, partikular sa mga malalaking siyudad tulad ng Metro Manila at Davao City.

Hiniling ng mga mayor ng Metro Manila sa IATF-EID na manatili sa ilalim ng GCQ hanggang katapusan ng taon. Ipinagbawal na rin ang caroling at mga Christmas party sa mga opisina. Lahat ng mga pag-iingat na ito ay para mabawasan ang dami ng bilang ng COVID-19.

Sa ngayon ay bawal pa nga ang mass gatherings, mali­ban na lang kung opisyal ka ng administrasyon, hindi ba? Iimbestigahan daw si Presidential Spokesperson Harry Roque at si Sen. Manny Pacquiao kung lumabag sa minimum public health measures nang dumalo sa kani-kanilang okasyon kung saan maraming tao ang nagtipon.

Depensa ni Roque, hindi na raw kailangan ang social distancing kung nakasuot ng face mask at face shield ang mga tao sa labas. Kung ganun ang sasabihin niya, puwede na pala magtipun-tipon ang kahit ilang tao sa labas, ma­nood ng concert at mag-party kung nakasuot ng face mask at face shield.

Magtataka ka nga na kung marami naman ang nagsu­suot ng face mask at face shield ay bakit dumarami pa rin ang mga kaso. Baka para sa mga opisyal hindi na kaila­ngan ang social distancing, pero kung ordinaryong mamamayan ang gumawa niyan siguradong huli. May nangyari ba sa kaso ng mañanita ng hepe ng PNP? Hindi ba patatawarin na lang?

Sa tingin ko tama ang pahayag ng OCTA. Mahirap pigilan ang Pilipino na magsama-sama sa panahon ng Pasko, lalo na kung matagal nang hindi nagkita. Kaya baka nga sumipa ang bilang ng mga kaso. Pinaalala naman ni DILG Sec. Eduardo Año na ang pagtitipon ng mga kapamilya sa Pasko ay itinuturing na mass gatherings. Tila babala sa mga may plano nang magkita-kita sa Pasko. Ilan kaya ang mahuhuli o makukulong sa bisperas ng Pasko?

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with