‘Torni, ‘di kami nakikipagpaligsahan sa’yo!

UNFILTERED - Ben Tulfo (Pilipino Star Ngayon) - December 2, 2020 - 12:00am

Naghihintay pa rin ako hanggang sa ngayon sa kasa­gutan ni Atty. Irene Alogoc ng Department of Justice-Office for Alternative Dispute Resolution (DOJ-OADR).

May mensahe akong iniwan noong nakaraang linggo at kahapon sa aking programang BITAG Live. Naka-upload at mapapanood pa rin ang mga videos sa BITAG Official YouTube Channel.

Bagama’t hindi diretsahan, natatawa ako sa isyu mula sa kanyang sinabi na ang mga Pilipinong may sumbong  o may reklamo ay dapat “wag magpa-Tulfo.”

Kapag lumapit daw kasi sa mga public service programs ng mga TULFO ay isinasapubliko na ang sumbong. Makakasira raw ito sa dapat na aregluhan ng nagrereklamo at inire­reklamo.

Kumpara raw sa kanila sa AODR ay makakasiguro ang nagrereklamo na magiging confidential lahat ng detalye ng nagsusumbong.

Anong aregluhan ba ang pinag-uusapan dito Atty. Alogoc na hindi dapat malantad sa publiko? Unang-una, wala ka­ming pinipilit na lumapit sa aming tanggapan – dapat siguro maintindihan mo na dahil ito sa TIWALA.

Ikalawa, ibig mo bang sabihin, ang mga biktimang nakaranas ng pambabalahura, panggugulpi, pambubugbog, pambababoy, pananakot, panduduro o anumang klase ng pang-aabuso ay – AREGLUHAN lamang ang dapat na gawin?

Marami na akong naging mensahe sa’yo sa aking programa, hindi kasya lahat sa kolum na ito. Ipaiintindi ko na lang sa’yo itong sinabi ni Rep. Eric Yap ng ACT-CIS Partylist.

Dapat nga raw matuwa ka’t tanggapin ang alok na tulong ng mga pribadong sektor at indibiduwal tulad naming TULFO Brothers para sa mga ordinaryong mamamayan na naghahanap ng hustisya at nangangailangan ng tulong.

Ayon pa kay Cong. Yap, hindi kakayanin ng pamahalaan na tugunan lahat ng pangangailangan, reklamo’t sumbong ng publiko. Mas maraming nahihingian ng tulong, mas marami ang natutulungan.

Eto pang gusto kong idikdik sa kukote mo Atty. Alogoc mula pa rin kay Rep. Yap – katuwang naming mga Tulfo ang mga ahensiya ng gobyerno para solusyunan ang anumang sumbong, hinaing at tulong na kailangan ni Juan Dela Cruz.

Isa pa, hindi lang naman TULFO ang may public service program kaya ‘wag kami ang pag-initan mo.

Alam kong may programa ka rin sa telebisyon, puwede ka naming tulungang pasikatin pati ang opisina mo para sa susunod ikaw na ang lapitan ng mga tao. Wala namang problema kung magtutulung-tulong tayo para sa publiko.

O sige Atty. Alogoc, simula sa oras na ito, magre-refer na kami sa tanggapan mo. ‘Wag lang babalik sa amin ang mga taong ito’t magsusumbong dahil hindi n’yo sila pinansin o natulungan!

DOJ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with