EDITORYAL - Tunay na bayani ng masang Pilipino

EDITORYAL - Tunay na bayani ng masang Pilipino

(Pilipino Star Ngayon) - November 30, 2020 - 12:00am

Ipinagdiriwang ngayon ang ika-157 kaarawan ng Supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio. Siya ang itinuturing na bayani ng masa. Sa mga pagtitipon o pagra-rally na ginagawa, ang kanyang bantayog ang laging ginagawang tagpuan. Madalas magtipon sa kanyang monumento sa Caloocan ang mga manggagawa at ganundin sa Liwasang Bonifacio sa Maynila. Siya ang simbolo ng mga anak pawis na manggagawa. Bagama’t bawal ngayon ang pagtitipon dahil sa pandemya, lalagi pa rin siya sa alaala.

Sa lahat ng mga bayani, tanging ang kanyang kapanganakan ang ipinagdiriwang sa halip na ang naging kamatayan. Ito ay sapagkat kontrobersiyal ang kanyang naging kamatayan noong 1897. Karumal-dumal ang kanyang kamatayan sa kamay ng mga kapwa rebolusyunaryo. Pinatay siya at kanyang kapatid na si Procopio noong Mayo 10, 1897 sa isang bundok sa Cavite ng mga tauhan ni Gen. Emilio Aguinaldo. Makaraang patayin, inili-bing sila sa isang mababaw na hukay na walang palatandaan kaya hindi matiyak kung ang nahukay na buto noong 1918 sa pinangyarihan ng pagpatay ay kay Bonifacio. Inilagay sa isang urna ang mga buto at inilagak sa National Library na nasa Le-gislative Building sa Maynila. Nang bombahin ng mga Hapones ang Maynila noong 1942, kasamang nawasak ang mga buto ng bayani.

Ipinanganak si Bonifacio sa Tondo, Manila noong Nobyembre 30, 1863. Lima silang magkakapatid at siya ang panganay. Maaga silang naulila kaya siya ang nagtaguyod sa kanyang mga kapatid. Marami siyang pinasukang trabaho. Nagtinda ng mga tungkod at pamaypay. Nagtrabaho siya sa isang British company at pagkatapos ay sa German company. Habang walang ginagawa, nagbasa siya ng mga libro ukol sa French Revolutions, akda ni Victor Hugo na Les Miserables at mga libro tungkol sa mga naging presidente ng America. Nabasa rin niya ang Noli Me Tangere at El Felibusterismo ni Dr. Jose Rizal.

Itinatag niya ang Katipunan. Sinimulan nila ang rebolusyon sa pagpunit ng mga sedula. Lumaban nang buong giting sa mga Kastila sa kabila na kulang sa armas. Tanging itak at pupugak-pugak na baril laban sa mga kanyon ng kalaban. Maraming namatay sa mga Katipunero. Pero sa kabila niyon, hindi sumuko si Bonifacio.

Nakalulungkot na hindi siya namatay sa kamay ng mga kaaway kundi sa kamay ng mga kasamahan. Mananatili sa isipan ng mamamayan ang ipinakita niyang tapang at labis na pagmamahal sa bayan. Walang kaduda-duda na siya ang tunay na bayani ng masa.

ANDRES BONIFACIO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with