Tepok ang misis (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 29, 2020 - 12:00am

Ayon sa Supreme Court, hindi raw porke may pangako ng habambuhay na pagsasama ay pag-aari na ni mister ang kanyang misis. Dapat tandaan na obligasyon ng isang asawa na mahalin at alagaan ang kanyang kabiyak kahit ano pa man ang kapintasan nito. Ang galit na nag-udyok sa isang tao na patayin ang misis dahil sa selos ay hindi halimbawa nito. Ang kasal ay isang sagradong institusyon na pundasyon ng pamilya at ang pamilya naman ang pundasyon ng ating bansa.

Ang kasong ito ay tungkol kay Bruno na kasal kay Elisa at may apat na anak, sina Annie, Abby, Ferdie at Connie. Si Bruno ay nagtrabaho sa isang bansa sa Middle East bilang mason at tagaayos ng tubo. Bumalik siya pagkatapos ng anim na taon nang mabalitaan na may kalaguyo si Elisa.

Sa kanyang pagbabalik, nagtrabaho siya sa isang kompanya malapit sa siyudad kung saan nakatira ang kanyang pamilya. Lumipas ang siyam na taon ay nailipat niya ang pamilya sa probinsiya kung saan nakatira ang mga kaanak ni Elisa. Sinadya niya iyon para may mag-alaga sa kanila lalo at lagi siyang nasa trabaho. Ang bahay nila ay isang palapag lang, bukas ang sala, kusina at may isang kuwarto para sa pagbisita ni Bruno.

Sa isa sa kanyang pagbisita at naghahanda para bumalik sa trabaho ay natutulog si Ferdie sa kuwarto samantalang kumakain naman si Annie at nakatalikod sa mag-asawang Elisa at Bruno na noon ay nanonood ng TV kasama nina Abby at Connie. Napansin ni Annie na balisa ang ama nang bigla niyang makita na hinampas nito ng martilyo sa ulo ang asawang si Elisa. Inulit pa nito ang paghampas na tumama sa pader.

Napasigaw ng “Tay” si Annie at inawat ang lalaki sabay tanong kung bakit niya ginawa iyon. Ang sabi ni Bruno ay may nakita siyang lalaki sa banyo kasama si Elisa pero wala talagang tao roon nang tingnan ng dalaga. Nagising si Ferdie at napalabas ng kuwarto. Nakita niyang nakatayo ang tatay niya at hawak pa ang martilyo samantalang magkatuwang naman si Annie at Abby sa pagtulong sa nanay nilang si Elisa na dumudugo ang ulo.

Pinigilan ni Ferdie ang tatay niya habang tumulong naman ang mga kapitbahay sa pagdala kay Elisa sa ospital. Dinala si Bruno sa presinto samantalang si Annie naman ay hinimatay at nahimasmasan lang nang saklolohan ng mga kapitbahay. Sumunod na araw, ibinalita ni Tesse na kapitbahay nila ang tungkol sa pagpanaw ni Elisa.

Matapos ang masusing imbestigasyon ng mga pulis at eksaminasyon sa bangkay ni Elisa ng PNP medico-legal na si Dr. Paterno sa Camp Crame tungkol sa sanhi ng pagkamatay ay sinampahan ng kasong parricide si Bruno.

Sa paglilitis, ginawang testigo ng prosekusyon si Annie na kinuwento sa malinaw at diretsong paraan kung paano niya nakita nang hampasin ng martilyo ng tatay niya ang nanay na si Elisa. Sinuportahan siya ni Dr. Paterno, ang doktor na sumuri sa pisikal na ebidensiya at gumawa ng ulat tungkol sa bangkay. Tumestigo rin sina Abby at Ferdie kung paano nila nakita na may hawak na martilyo si Bruno na ginamit pampukpok habang ang nanay nila ay duguan ang ulo na nakabagsak sa sahig.

Ang depensa ni Bruno, may karelasyon daw si Elisa na ibang lalaki. Tumestigo pa siya na noong gabi na mangyari ang insidente, habang naghahanda na siya na pumasok ay nakita niya na lumabas si Elisa na parang may inaabangan. Bumalik ang misis, naligo at nag-ayos ng mukha. Nang tanungin daw niya ang babae ay sinagot siya nito na wala siyang pakialam. Pumasok siya sa banyo at narinig ang mga tao sa labas na nag-uusap.

Nang sumilip siya ay naroon si Elisa at may kahalikan na ibang lalaki sabay sabi “huwag muna ngayon nandiyan pa siya” habang yakap ng lalaki at hinihipuan sa dibdib at maselang bahagi ng katawan. Sa galit ay lumabas daw si Bruno na hawak ang martilyo at hinataw ang lalaki. Ginamit na panangga ng lalaki si Elisa at itinulak palapit sa kanya kaya sila natumba. Pumasok daw sa loob ng bahay si Elisa samantalang hinabol niya ang kalaguyo nitong lalaki pero nakatakas ito.

Nang bumalik daw siya ay kalong na ni Ferdie si Elisa na dumurugo ang ulo. Inutusan daw niya ang mga anak na dalhin ang nanay nila sa ospital at ipinaalam kay Annie na susuko siya. Sa presinto naman ay sinabi ni Bruno sa mga pulis na plano niyang atakihin ang lalaki pero si Elisa ang aksidente niyang tinamaan. (Itutuloy)

SUPREME COURT
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with