EDITORYAL - Pangalanan ang mga kurakot na kongresista

EDITORYAL - Pangalanan ang mga kurakot na kongresista

(Pilipino Star Ngayon) - November 28, 2020 - 12:00am

Pati Department of Public Works and Highways ay pinasok ng mga kurakot na kongresista. Kaya lalo nang umalingasaw ang katiwalian sa tangga­pang ito. Maski si President Duterte ay amoy na amoy at langhap na langhap ang katiwalian sa DPWH. Kaya lang, hindi raw niya mapakikialaman ang mga kongresistang sangkot sa katiwalian.

Noong nakaraang buwan, sinabi ng Presidente na talagang talamak ang corruption sa DPWH. Ma­syado nang malala ang corruption at nangyayari raw ito sa ‘‘ibaba’’. Ipinagtanggol naman niya si DPWH Sec. Mark Villar sa usapin ng korapsiyon. Hindi umano magagawa ni Villar na mag-corrupt sapagkat mayaman ito. Sa ibaba raw talaga nagaganap ang katiwalian at ito ang nais niyang madurog. Nangako ang Presidente na ihahayag niya ang mga pangalan ng opisyal at empleyado na sangkot sa korapsiyon. Desidido siyang linisin ang mga tanggapan ng gob­yerno bago siya bumaba sa puwesto sa 2022.

Pero sa nangyayari ngayon sa DPWH na marami palang kongresista ang sangkot sa katiwalian dito, mukhang mabibigo ang Presidente na makaskas ang dumi sa tanggapan. Paano maiimbestigahan ang mga kurakot na kongresista gayung nagpahiwatig na nga ang Chief Executve na hindi niya mapapakialaman ang mga ito.

Labindalawang kongresista ang sangkot sa kati­walian sa DPWH, ayon kay Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica. Ayon kay Belgica, ang 12 kongresista ay tumanggap ng 15 percent kickback sa infra projects ng DPWH. Sa laki ng kickback ng mga kongresista at sa porsiyento naman na nakukuha ng mga tiwa­ling DPWH officials, 50 percent na lang ang napupunta sa project at ito aniya ang dahilan kaya substandard ang pagkakagawa ng mga ito.

Inihalimbawa ni Belgica ang isang kongresista na kumubra ng P10 milyon sa project contractor. Merong kongresista na humingi ng P100 milyon sa isang malaking proyekto na gagawin sa kanyang distrito. Kapag hindi raw “maghahatag’’ hindi nito papapasukin sa distrito.

Kung si President Duterte ay walang kakayahang pakialaman ang mga kurakot na kongresista, dapat ipursigi ni Belgica na pangalanan ang mga ito. Kapag hindi natukoy ang mga matatakaw na kongresista, magpapatuloy ang katiwalian sa DPWH at hindi matutupad ang nais ng Presidente na malinis niyang iiwan ang pamahalaan sa katiwalian.

DPWH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with