EDITORYAL - I-trim ang mga obese na pulis

EDITORYAL - I-trim ang mga obese na pulis

(Pilipino Star Ngayon) - November 27, 2020 - 12:00am

Maraming matatabang pulis ngayon. Hindi katulad noon na pawang slim ang mga pulis at matitikas ang tindig. Bagay ang uniporme sa ba­lingkinitan at siksik na pangangatawan. Ngayon, maraming pulis ang “napabayaan sa kusina”. Kala­bisan nang sabihin na nawalan ng disiplina sa pagkain at hindi na nakakapag-ehersisyo.

Ngayon, kapag nagsasagawa ng pass in review ang mga pulis sa Camp Crame, kitang-kita ang mga obese na pulis na namumutok sa suot na asul na uniporme. ‘Yung iba ay hindi na mai-butones ang uniporme dahil sa katabaan. Masagwang tingnan. At lalong masagwa kapag hindi sila nakahabol sa mga kawatan na nambibiktima sa mamamayan. Paano makakahabol sa mga holdaper, snatcher at iba pang kawatan ang pulis na obese?

Ang problemang ito ang gustong masolusyunan ng bagong hirang na PNP chief Gen. Debold Sinas. Aminado naman si Sinas na maraming obese na pulis kaya sinabi nito na ibabalik na ang Body Max Index (BMI). Ito ay para mapanatili ang kalusugan at maiwasan ang anumang sakit na humahantong sa kamatayan. Ayon sa PNP chief, imo-monitor na ang mga obese na pulis.

Sinabi ni Sinas na dumami ang mga obese sa nakalipas na siyam na buwan habang ipinatutupad ang lockdown. Marami umano ang hindi makapag-ehersisyo sapagkat sarado ang mga gym at iba pang pasilidad.

Hinamon ni Sinas ang mga pulis na maging fit para maging malusog ang katawan. Inilunsad ni Sinas­ ang 4-minute exercise araw-araw upang ma­kaiwas sa pagiging obese ang mga pulis. Sabi pa ng PNP chief, siya rin mismo ay tumatalima sa fitness program. Kasalukuyan na umano siyang sumailalim dito. Ayon naman sa bagong tagapagsalita ng PNP, malaki na ang ibinaba ng timbang ni Sinas mula nang sumailalim sa fitness program.

Harinawang magtagumpay ang planong ito para sa mga obese na pulis. Magandang tingnan kung fit na fit ang mga pulis at handang makipagsubukan ng lakas sa mga kriminal at iba pang halang ang kaluluwa. Kailangan ng taumbayan ang mga matitipuno, malakas at maliliksing pulis para magbigay ng proteksiyon. Malaki ang aming paniwala na matatamo ang mga hangaring ito kung magkakaroon ng disiplina ang mga pulis.

PNP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with