Kahalagahan ng pag-iingat

K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - November 26, 2020 - 12:00am

Isa ang patay habang apat ang nasaktan nang bumag­sak ang isang girder na bahagi ng northbound Sky­way extension noong Sabado ng umaga. Limang sasakyan­ ang nabagsakan, kabilang ang dalawang motorsiklo. Walang kalaban-laban ang mga sasakyan. Batay sa mga ulat at litrato, mukhang hindi kinayanan ng crane buhatin ang mabigat na girder na gawa sa bakal. Wala pang video na lumalabas sa social media kung ano ang aktuwal na nangyari. May sinimulang imbestigasyon­ para malaman kung ano ang nangyari, pero hindi ako magtataka kung may nagkamali at nauwi sa aksidente.

Malaking bagay ang pag-iingat lalo na sa ganyang mga malalaking proyekto. Maraming tanong kung bakit tila hindi kinayanan ng crane buhatin ang girder kung marami na ang naikabit sa Skyway? Mali ba ang posisyon ng girder? Masyadong malayo ba binuhat ‘yung girder kaya tumagilid at bumigay ang crane? Unang tumaob ba ang crane at tumama sa girder kaya bumagsak? Magtatanong ka rin kung bakit may dumaraan na sasakyan kung magbubuhat nga ng mabigat na bahagi ng Skyway? Bakit hindi muna pansamantalang isinara habang ilalagay sa puwesto ang girder para ligtas lahat?

Ilan lamang ito sa mga tanong, pero malinaw na pagkakamali ang sanhi ng aksidente na maiiwasan. Hinikayat din ang DOLE na imbestigahan ang aksi­dente kung may pagkukulang ang kompan­yang guma­gawa sa Skyway. Sana ay may matutunan ang kompanya dahil hindi pa tapos ang Skyway. Baka maulit lang ang aksidente na siguradong hindi mata­tang­gap ng lahat. Mahalaga ang imprastraktura­ na kulang na kulang sa bansa. Ilang porsiyento na kaya ng mga proyekto sa ilalim ng Build, Build, Build ang na­tapos?

Ilang bagyo rin ang rumagasa sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Malaking bahagi ng imprastraktura ang nasira. Lahat kailangang ayusin. Kaya kailangan talagang mag-ingat sa lahat ng oras. Hindi na dapat nada­ragdagan ang napipinsala. Hindi dapat buhay ng tao ang maging kabayaran ng kaunlaran.

SKYWAY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with