EDITORYAL - Huwag magtungo sa matataong lugar

EDITORYAL - Huwag magtungo sa matataong lugar

(Pilipino Star Ngayon) - November 25, 2020 - 12:00am

Dapat malaman ng mamamayan na nasa paligid pa ang COVID-19 at nag-aabang nang maka­kapitan. Nararapat itanim sa isipan na banta pa sa buhay ang COVID kaya hindi dapat balewalain ang pa­alala ng Department of Health (DOH) na iwasan muna ang matataong lugar sapagkat malaki ang posibilidad na rito makuha ang virus. Magtiis muna. Huwag sayangin ang walong buwan na nakapagtiis habang naka-lockdown at sumusunod sa health protocol.

Noong Sabado, dumagsa ang mga tao sa Divi­soria para mamili ng mga damit, sapatos, gadgets at mga pangdekorasyon sa Pasko. Dikit-dikit ang mga tao na para bang walang kinatatakutang virus. Masig­lang-masigla sila sa pagpili ng mga damit at iba pang mga gamit. Nagmistula silang mga hayop na matagal na nakakulong sa kural at saka pinakawalan.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 420,614 ang kaso ng COVID sa bansa. Tumataas pa ang bilang at kung hindi susunod sa health protocol ang mamamayan­, darami pa ang kaso. Maski sa mga evacuation centers­ na tinutuluyan ng mga biktima ng baha sa Marikina ay may mga nahawahan ng virus. Sama-sama rin ang mga evacuees at hindi na nasusunod ang tamang distansiya at karamihan ay walang mga suot na facemask.

Mahigpit na nagpaalala ang DOH na huwag munang magtungo sa matataong lugar na gaya ng Divisoria para hindi makasagap ng virus. Sabi ni DOH Usec. Ma. Rosario Vergeire malaki ang posibilidad na magkahawa-hawa ang shoppers na nagtutungo sa Divisoria. “Gusto lang natin ipaalala na ang risk ng pagkakahawa-hawa ay napakalaki kapag tayo ay nakakapunta sa mga lugar na maraming tao ka­tulad sa Divisoria. Bagaman alam natin na sabik na tayo na magpunta sa mga mall para mamili ng mga pampasko natin, alalahanin na nandiyan pa rin ang virus. Kahit kayo ay nakamask at naka-face shield pero kayo ay pupunta sa mga matataong lugar na halos dikit-dikit, maaari pa rin kayong mahawa,” sabi ni Vergeire.

Pakinggan ang babala ng DOH. Huwag munang magtungo sa matataong lugar para makaiwas sa virus. Magtiis munang huwag magtungo sa mga pamilihan. Nakatagal nga ng walong buwan sa ilalim ng lockdown, ngayon pa ba hindi makakapagtiis na malapit nang magkaroon ng bakuna. Sundin ang awtoridad para hindi na madagdagan pa ang problema sa COVID-19.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with