Tinuhog ang magkapatid (Part 1)
IKAW AT ANG BATAS - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 22, 2020 - 12:00am

ISANG kaso na naman ito na mga bata ang biktima. Ang isyu kadalasan ay ang kredibilidad ng ebidensiya ng magkabilang panig lalo kung ang tatay mismo ng mga biktima na kasama nila sa bahay ang gumawa ng krimen. Siyempre ay natural lang na matatakot sila na ilantad ang nangyari. Kaya ang isyu sa kaso ay ang kredibilidad ng akusasyon ng mga bata at ang tagal ng panahon bago isinampa ang kaso.

Ang kasong ito ay tungkol kay Dante na kasal kay Clarita at may pitong anak pero nakatira lang sa isang bahay na may nag-iisang kuwarto. Dahil nga hindi na sila magkasya sa bahay ay nakitira sa kanilang lola o kaya ay sa mga kabarkada ang lima sa pitong magkakapatid. Dalawang bata lang ang naiwan sa bahay, sina Anita na 8-anyos at Blanca, 9, ang kasama ng mag-asawa. Isang beses, pati ang nanay nilang si Clarita ay umalis at nagpalipas ng gabi sa kanyang kapatid na babae nang mag-away sila ni Dante. Iniwan niya sina Anita at Blanca sa tatay nila.

Kalaliman ng gabi, habang magkatabing natutulog sina Anita at Blanca, nagising si Blanca sa mahigpit na yakap ng ama. Hinimas din ng manyak ang hita at dibdib ng musmos. Naramdaman pati ng bata ang ari ng ama na nakadiin sa kanyang likuran. Nagmakaawa lang ang bata at sinabing may klase pa siya sa susunod na araw. Lumayo si Dante at tuluyang lumabas ng bahay.

Ilang minuto lang, bumalik si Dante at kay Anita naman tumabi. Nagising ang bata at tinanong kung nasaan ang kanyang ina. Piningot ni Dante ang tainga ni Anita at sinaway na tumahimik. Napansin ni Anita na unti-unting lumayo sa kanya ang kapatid na si Blanca. Susunod sana siya sa kaniyang ate pero hinatak siya ng ama at pagharap sa kanya ay biglang hinubad ang shorts ng bata at pinasok ang daliri sa kaselanan nito. Dinaganan ni Dante ang bata at nagtagumpay na gahasain ito. Iyak nang iyak si Anita at humihingi ng tulong sa kanyang Ate Blanca pero umiiyak na tinakpan lang din nito ang tainga.

Sunod na araw, nagulat si Anita nang makita ang bahid ng dugo sa kanyang shorts pero tinawanan lang siya ni Dante. Dumating si Clarita at nagsumbong si Anita na minolestiya siya ng ama pero hindi nasabi ng bata na ginahasa siya sa takot na muling mag-away ang mga magulang. Pero hindi naniwala si Clarita at sinumbong lang sa kapatid na babae ni Dante na si Erlinda ang tungkol sa pangmomolestiya ng kapatid nito.

Dalawang taon matapos mangyari ang insidente ay bumisita si Marina kay Clarita. Isang madre ang kapatid ni Clarita at hinihimok sana ang kapatid at mga pamangkin na sumama sa kaniya sa kalapit na probinsiya kung saan siya isang misyonero. Pero ayaw sumama ni Clarita. Hindi rin sumama ang magkapatid pero ipinagtapat nila sa tiyahin na madre kung ano ang ginawa sa kanila ng ama.

Matapos masuri ng isang doktor si Anita at mapatunayan na talagang pinagsamantalahan ang bata, tinulungan ni Marina na magsampa ng reklamo ang dalawa laban sa kanilang ama. Una ay ayaw pa sana ni Blanca na magdemanda pero dahil sa kaiiyak ni Anita na laging takot ay pumayag na rin siya na magreklamo.

Dalawang kaso ang isinampa kay Dante, kasong rape kay Anita at kalaswaan o acts of lasciviousness naman kay Blanca. Ang magkapatid, doktor na sumuri kay Anita at si Sister Marina ang tumestigo para sa prosekusyon.  Nilahad ng magkapatid sa malinaw at kapani-paniwalang paraan kung paano nagtagumpay ang kanilang ama na pagsamantalahan si Anita at gawan ng kahayupan si Blanca.

Sa kabilang banda, todo tanggi naman si Dante. Ang depensa niya ay isa silang masayang pamilya at hindi tulad ng pinapalabas ng dalawang anak niyang babae. Tumestigo pa para sa kanya ang kapatid na si Erlinda at tatlo nilang kapitbahay. Kinumpirma nila na masaya ang pamilya ni Dante at isa siyang mapagmahal/mapagkalingang tatay sa kanyang mga anak. Inaalagaan daw mabuti ni Dante ang mga bata at inihahatid pa sa eskuwelahan.

Pero pagkatapos ng paglilitis, napatunayan ng hukuman nang walang pag-aalinlangan nagkasala si Dante sa dalawang krimen. Hinatulan siya ng reclusion perpetua o habambuhay na pagkabilanggo para sa rape at pinakamaliit na ang 12 taon, 4 na buwan hanggang 14 na taon, 4 na buwan  para sa mga kaakibat na parusa sa dalawang kaso. Kinatigan ng Court of Appeals ang hatol ng RTC. (Itutuloy)

KRIMEN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with