^

Tinakot (Unang bahagi)

IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - November 15, 2020 - 12:00am

Ang kaso ng child abuse sa ilalim ng Republic Act 7610 ay tungkol sa kahit anong klase ng kilos, gawa o salita na yumuyurak sa pagkatao, halaga o dignidad ng isang bata bilang tao. Ano ba ang dapat patunayan sa child abuse para parusahan alinsunod sa nasabing batas? Ito ang sasagutin sa kaso ni Marta.

Ang kaso ni Marta ay mula sa away nila ng kanyang kapitbahay na si Dina pati ng tatlong anak nitong lalaki, sina Art, edad 11, Ben, 9, at Carlos, 8. Isang umaga ay nagpapalipad ng eroplanong papel ang tatlong bata mula sa ikatlong palapag ng kanilang bahay nang bumagsak ito sa harap ng bahay ng anak na babae ni Marta. Si Pacing na hindi gusto ang nangyari ay nasambit lang ang “putang ina” patungkol kay Carlo.

Sunod na araw, nakita nina Art, Ben at Carlo si Pacing sa harap ng bahay nito at binato siya ng mga pakete ng ketsup. Pero imbes na si Pacing  na pumasok na sa loob ng bahay, si Marta ang dalawang beses na tinamaan ng mga pakete. Sinigawan ni Marta ang mga bata, minura at tinakot na huwag magkakamaling bumaba ang mga bata kundi ay pakakawalan nito ang alagang aso para kagatin sila. Nagsumbong ang mga bata sa kanilang ina pagdating nito sa palengke.

Nang kumprontahin ni Dina si Marta ay dinuro at mi-nura pa nito ang babae bago pumasok sa bahay. Paglabas ay may hawak na itong itak at pasigaw na sinabing “walang demanda-demanda sa akin, basta bumaba kayo dito lahat, papatayin ko kayong lahat. Tatagain ko kayo, papatayin ko kayo, lalaban na lang ako ng patayan”.  Natakot sa insidente ang tatlong bata at ayaw na nilang bumaba para maglaro. Ayon kay Dina, nagkaroon ng trauma ang tatlo at dahil sa takot sa mga sinabi ni Marta ay napilitan silang lumipat ng ibang tirahan.

Nang mangyari ang insidente, dalawang kinatawan ng barangay ang sumaklolo, sina BPSO Lazo at Engracio. Hinawakan ni Engracio si Marta para pigilan ang babae habang inaamba nito ang itak at patuloy sa pagmumura habang nakatayo naman sa di kalayuan si Lazo. Nang huminahon si Marta ay inuwi na niya sa bahay ang babae habang ang gulok naman ay kinumpiska ni Lazo.

Bilang resulta, kinasuhan si Marta sa paglabag ng RA 7610 (Sec. 10, [a]) dahil sa ginawa niyang pag-abuso at pananakot kina Art, Ben at Carlo dahil sa pagmumura niya at pag-amba ng itak sa tatlong bata na lubhang nakainsulto at nagpahiya sa dignidad ng mga menor de edad.

Sa paglilitis, tumestigo si Art at ina nito na si Dina tungkol sa nangyari. Sinang-ayunan ni BPSO Lazo ang kanilang testimonya lalo ang pagmumura ni Marta at pagwasiwas ng itak kahit pa pigil na siya ni BPSO Engracio.

Bilang depensa, dalawang kapitbahay naman ang tumestigo, sina Remy at Rody. Nakita raw ni Remy na nagwawalis sa bakuran si Marta at tinakot lang ang tatlong bata na isusumbong sa kanilang nanay. Si Dina nga raw ang lumapit sa bahay ni Marta at nagmumura/sinisigawan si Marta pati iniinsulto. Isang BPSO daw ang lumapit kay Dina at inaawat siya dahil nga siya ang nag-umpisa ng away. Sabi naman ni Rosie ay walang itak na hawak si Marta na ginamit panakot laban kina Dina at sa mga anak nitong lalaki.

Sa testimonya ni Rody, sinabi niya na narinig niya si Marta na nakikipag-away kay Dina pero hindi sa mga anak nito. Hindi raw niya nakitang may hawak na itak si Marta at narinig lang niya na sinasaway nito ang tatlong bata sa paghahagis nila ng bato sa bubong nito.

Ayon naman sa salaysay ni Marta, nakaupo lang siya sa may gate nang batuhin ng pakete ng ketsup ni Art. Kinagalitan daw niya ang bata at pinagsabihan na “huwag kang mamamato”pero imbes tumigil ay pinagpatuloy pa ni Art pati dalawang kapatid nito ang paghahagis ng mga pakete ng ketsup sabay sigaw “Marta wala kang kuwenta” sinundan pa ng nanay nilang si Dina na dinuro, pinagsisigawan at minura siya.

(Itutuloy)

BATAS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with