‘Dolomite lang ang matatag!’

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - November 14, 2020 - 12:00am

IYAN ang katawa-tawang post sa facebook nina DENR Usec. Benny Antiporda at MMDA Spokesperson Celine Pia­lago. Sa kabila ng trahedyang dinulot ni Bagyong Ulysses ay nagawa pang mag-selfie nina Antiporda at Pialago, hehehe!

Kung sabagay hindi naman sila masisisi dahil dapat nilang ipagmalaki na napanatili nilang kumikinang ang mga dolo­mite sa Manila Bay. Baka nga naman umani ito ng milyon-milyong like at share sa FB at pagnagkataon makakatulong ito upang makahikayat ng ayuda sa Good Sama­ritans na nakatunghay sa mga larawan nang paghambalos ng Bagyong Ulysses sa Luzon.

Bahagi pa rin yan ng publicity campaign kung tutuusin, kasi news makers sina Antiporda at Pialago mula nang bigyan ng puwesto ni Pres. Rodrigo Duterte sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Metro Manila Development Authority (MMDA).

Para sa nakararami, nakakangasim ng sikmura ang pagsi-selfie nina Antiporda at Pialago dahil nga napakala­king pinsala ang idinulot ng mga bagyong nagdaan sa bansa. Sa totoo lang, marami sa ating mga kababayan ang nagsusumigaw na bigyan sila ng tulong dahil sa pagkawala ng kanilang mga kaanak na namatay matapos rumagasa ang tubig at putik na gumiba ng kanilang mga bahay.

Ang Catanduanes ay halos mabura sa mapa dahil sa hagupit nang magkakasunod na bagyo kung kaya maging ang mga local official doon ay nanawagan na sa national government na bigyan sila nang karagdagang budget o ayuda nang matustusan sa pangangailangan sa pagkain, pagkumpuni ng mga nasirang bahay, establisimento at para sa pagbangon ng mga nalugmok na kabuhayan ng kanilang constituents.

Sa halip kasi na gastusan ng milyun-milyong piso ang pagpapaganda at pagpreserba sa dolomite beach sa Manila Bay, ibili na lamang ng pagkain, gamot at materyales para sa mga kababayang sinalanta ng mga nagdaang bagyo lalo na ang paghambalos ni Ulysses. Nananawagan ang marami kina Antiporda at Pialago na gamitin na lamang ang pera ng bayan sa pagsasaayos at paglinis sa mga ilog sa buong bansa upang maibsan ang pagbaha at landslide.

May katwiran naman na punahin ang pagsi-selfie nina Antiporda at Pialago dahil kitang-kita ang pruweba sa pagkalubog sa baha ng Marikina, San Mateo, Rodriguez, at ilang lugar sa Quezon City. Idagdag pa ang sinapit ng Catanduanes at Albay. Kung si President Digong nga na abala sa summit meeting ay nagawang sumakay ng chopper at nilibot ang mga sinalantang lugar, dapat gawin din ito nina Antiporda at Pialago. Tularan n’yo ang kasipagan ng Presidente.

Nawa’y maging open eyes ang mga nagdaang bagyo upang pursigihin ang pagsasaayos ng mga ilog nang maibsan ang pagbaha. Dahil numero uno na tayo sa buong mundo pagdating sa social media, nararapat lamang na ang i-post ay ‘yung may pakinabang ang sambayanan at hindi pangsarili lamang. Gets n’yo mga suki?

Malaking bagay ang maiaambag ng DENR at MMDA sa pagbangon ng bansa kung gagamitin lamang nila ang kanilang abilidad sa paglilinis sa mga baradong ilog sa bansa at hindi sa pagsi-selfie. Kilos na Mam at Sir, gamitin ang social media sa pagtulong sa mga napinsala ng bagyo nang lalo kayong sumikat!

DENR MMDA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with