^

PSN Opinyon

Tubig, pagkain, damit ang kailangang tulong

K KA LANG? - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Naging ligtas ang Metro Manila sa hagupit ng Bagyong Rolly, ang pinakamalakas na bagyo sa taong ito, sa buong mundo. Batay sa unang pagtahak ng bagyo, nagbabala ang PAGASA na maaaring dumaan malapit sa Metro Manila kaya naglabas ng mga babala hinggil sa malakas na hangin at pagbaha. At dahil sa naging karanasan ng Metro Manila noong Bagyong Ondoy, tila naging mas ma­ingat na nga ang karamihan.

Pero nang tumama na ang bagyo sa bansa, ilang beses din nag-landfall kaya nagbago ang pagtahak ng bagyo. Imbes na Metro Manila ang tinamaan, ang lalawigan ng Batangas ang tumanggap ng ragasa ni Rolly. Halos na­lusaw na ang bagyo, pero ang iniwang pinsala ay malaki. Ang tinatantiyang pinsala sa agrikultura ay higit P1 bilyon. Sa pampublikong imprastraktura naman, P6 na bilyon na ang danyos. Ang Bicol region muli ang nangangatal mula sa pinsalang dinulot ng bagyo. At 16 ang natalang namatay.

Inutos kaagad ang mga kinaukulang ahensiya na simulan na ang pagsasaayos ng mga serbisyo tulad ng telco, pagbalik ng tubig at kuryente at paglinis ng mga kalsada. Tulungan din ang mga napilitang lumikas mula sa mga peligrosong lugar. Pagkain, tubig at damit ang kanilang kailangan. Ang nakasunod na bagyong Siony ay maaaring hindi na direktang tumama sa bansa. Sana nga. Malawak na ang pinsalang dinulot ng mga Bagyong Quinta at Rolly. Hindi kailangan ng karagdagang pampabigat ang ating mamamayan.

Sa ngayon ay malayo pa rin ang bansa sa lubos na pag­hahanda sa bagyo. Magtataka ka nga na kung madalas naman tinatamaan ng malakas na bagyo ang bansa, bakit tila nagkukulang pa rin sa preparasyon. Kahit ang pagbabaha ay hindi pa masolusyunan sa kabila ng napakalaking budget ng DPWH sa ilalim ng kahit kaninong administrasyon. Hindi ba dapat dito naka-focus ang DPWH para tuluyan nang matugunan ang problema ng pagbabaha?

Sang-ayon ako sa paglikha nang maraming kalsada. Pero ano ang magiging silbi ng kalsada sa malalim na baha? At masabi ko lang na marami nang ahensiya ang gobyerno para matugunan ang kalamidad. Hindi na kailangan ng karagdagang ahensiya kung dapat kinakaya na ng mga iba’t ibang kagawaran at ahensiya.

Paghahanda, impormasyon, koordinasyon at tamang paglabas ng pondo at tulong ang kailangan. Nagiging malakas muli ang panukala na magbuo ng hiwalay na ahensiya para lang tungunan ang mga kalamidad. Kailangan pa ba iyan? Hindi ba may National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na para riyan? May pera pa ba ang gobyerno, sa panahon pa ng pandemya, para makapaglikha ng bagong ahensiya?

vuukle comment

ROLLY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with