EDITORYAL -  Ipasa na ang Dept. of OFWs
EDITORYAL - Ipasa na ang Dept. of OFWs
(Pilipino Star Ngayon) - October 30, 2020 - 12:00am

SA kabila na marami nang ginawang pakiusap si President Duterte sa mga mambabatas para madaliing ipasa ang batas para sa overseas Filipino workers (OFWs), wala pa ring nangyayari. Imagine, noon pang nakaraang taon, sinabi ng Presidente na ipasa ang Department of OFWs pero hindi ito guma­galaw. Noong nakaraang SONA, muli niyang inulit ang pakiusap pero wala ring nangyayaring paggalaw sa mga kongresista para isakatuparan ang DOFWs.

Ang pagtatatag ng DOFWs ay isa sa mga ipina­ngako ni Duterte noong nangangampanya pa siya sa 2016 Presidential campaign. Malinaw ang kanyang pagkakasabi na dapat ay mayroong sariling tanggapan ang OFWs.

Noong Martes, sa kanyang taped message para sa mamamayan, muli na namang inulit ng Presidente ang kahilingan sa Kongreso na ipasa na ang batas para sa OFWs. Kung mayroon aniyang batas para sa OFWs, lubos na  matututukan ang kalagayan ng migrant workers at kanilang mga pamilya. Lalo na aniya sa panahon ng krisis.

Ayon pa sa Presidente, kung may sariling tanggapan ang OFWs, mayroong tiyak na matatakbuhan ang mga OFW at pamilya. Balak din ng Presidente na gumawa ng hiwalay na ahensiya para naman sa mga seafarers.

Kawawa ang kalagayan ng mga OFWs at dapat itong malaman ng mga mambabatas. Marami sa mga OFWs ang dumaranas ng pagkaapi, pang-aabuso at malagim na kamatayan sa kamay ng kanilang mga amo.

Halimbawa sa mga ito ay ang nangyari sa domestic helper na si Joanna Demafelis noong 2018. Natagpuan ang bangkay ni Demafelis sa loob ng freezer sa isang abandonadong bahay sa Kuwait. Pinatay siya ng kanyang mga among Lebanese. Makaraang patayin, inilagay ang katawan nito sa freezer. Noong 2019, dalawang domestic helpers pa ang pinatay sa Kuwait – sina Constancia Dayag at Jeanelyn Villa­vende. Karumal-dumal din ang ginawa sa dalawa na namatay dahil sa pambubugbog ng kanilang mga among babae.

Kung may DOFWs, mayroon nang pupuntahan ang mga kababayang inabuso, minaltrato, at kung may krisis at pandemia gaya nang nararanasan ngayon. Kung may sariling tanggapan, mapapanatag ang kalooban ng OFWs dahil may susuporta at aayuda na sa kanila.

OFW
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with