Batikos sa DepEd huwag pansinin
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - October 27, 2020 - 12:00am

HABANG wala pang bakuna sa COVID-19, akma ang ipinaiiral na online learning sa mga estudyante. Subalit dapat kumilos ang pamahalaang Duterte dahil sisinghap-singhap ang internet sa ating bansa. Ang masakit pa karagdagang gastos ito sa mga magulang dahil babayaran mo ang kinu­kunsumo mong internet connection kahit na super bagal. At ang isa pang pinagbubuhusan ng pagod ng mga teacher ngayon ay ang pamamahagi ng learning module sa mga estudyante.

Kamakailan, naglabasan sa Facebook ang pagsuong ng mga guro sa peligro upang marating ang mga bahay ng mga estudyante sa mga liblib na lugar. Halos lahat ng mga magulang ay pabor sa ganitong sistema ng DepEd dahil malaking bagay ito para sa kanilang mga anak. Subalit ang hindi ko maintindihan ay itong leftist groups na pilit idinidikit o isinisisi ang pagpapakamatay ng isang guro at ilang estud­yante na may kaugnayan sa distance learning at paggamit ng module.

Nakagugulat dahil alam naman ng lahat na ang nangyaring suicide ay walang kinalaman sa distance learning at paggamit ng module ng DepEd base na rin sa pahayag ng mga kamag-anak at kaibigan. Kaya nga, malinaw na pro­paganda lamang ang ginagawa ng mga makakaliwang National Union of Students of the Philippines (NUSP) at Samahan ng Progesibong Kabataan (Spark) para maisulong ang kanilang pakikibaka sa gobyerno.

Sabagay, ano ba naman ang maaasahan sa mga maka­kaliwang grupo? Hindi ba’t sa simula pa, ang mga gru­pong ito ay walang ginawa kundi ang punahin ang gobyerno lalo na ang kasalukuyang pamumuno ni President Duterte. Kung minsan nga, nakakasawa na ang mga batikos at puna ng mga grupong ito dahil kung tutuusin, wala na itong nakitang maganda na ginagawa ng gobyerno. Pilit na hina­hanapan ng butas para lang makapaglunsad ng kilos-protesta.

Subalit sa kabila ng mga pagbatikos ng makakaliwang grupo, patuloy sa pagtatrabaho ang DepEd sa pamu­muno­ ni Secretary Leonora Briones kasabay ng pagbibigay tulong sa mga guro at estudyante lalo na ang kanilang panga­ngailangan sa panahon ng pandemya. At tama lang naman ang panawagang huwag basta maniniwala sa sulsol at intriga ng mga grupong ito na nais sirain ang DepEd. Mukhang ang gusto ng leftist group ay maging magulo ang Pilipinas at mapatalsik si Digong sa puwesto.

DEPED
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with