Malasakit ng 2 magkaibigan: Art Garfunkel at kaklase (1)
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - October 26, 2020 - 12:00am

“Hello, Darkness, my old friend.” ‘Yan ang unang linya sa hit song nina Simon & Garfunkel na “Sound of Silence”. Isa sa 20 pinaka-pinatugtog nu’ng ika-20 siglo, at nasa 500 Greatest Songs of All Time ng Rolling Stone magazine. Mabilis nanguna sa charts sa America, platinum record sa Britain, at soundtrack ng sikat na pelikulang “The Graduate”, 1967.

Pero para kay Sanford “Sandy” Greenberg, hindi lang ito linya ng awit kundi inspirasyon para malampasan ang maaga at mabigat na pagsubok sa buhay. Si Sandy ay best friend ni Art Garfunkel. Ikinuwento niya ang malasakit sa kanya ng tanyag na musikero sa memoir na pina­magatang. “Hello, Darkness, My Old Friend”. Sinalba ni Art ang kinabukasan ni Sandy nang bigla itong mabulag sa kolehiyo.

“Inangat niya ako mula sa hukay,” ani Sandy, 79, tungkol sa katapatan ni Art kaya nagkalakas-loob siyang ma­buhay muli.

Mag-roommate sa dorm ang dalawa sa Columbia University, New York. Nagkasundo sila agad dahil parehong mahilig sa libro, tula, at awit. Sa gabi nagkakantahan sila sa saliw ng gitara ni Art. Kung may problema tulungan agad. Nangako silang tatandang magkaibigan.

Minsan sa panonood ng palaro lumabo na lang ang paningin ni Sandy. Nasira ng glaucoma ang optic nerves niya. Kapos sa pera ang magulang para ipagamot siya. Tuluyan siyang nabulag. Nasira ang loob ni Sandy. Nawalan siya ng gana sa buhay, nag-dropout, at umuwi.

Minsang nagmumukmok sa bahay si Sandy, biglang dumating si Art: “Hindi ka pa ba babalik sa school?” Sandy: “Bakit pa, wala na kong silbi sa lipunan.” Art: “Hindi mo na­i­intindihan. Kailangan kita. Usapan natin walang iwanan. Balik ka na. Tululungan kita, aalalayan kita.”

Sa campus naging tagahatid-sundo ni Sandy si Art sa mga klase. Ipinapasyal siya sa New York. Binabasahan siya. Tinawag ni Art ang sarili na “Darkness” (“Dilim”). “O, baba­sahan ka na ni Darkness,” sinasabi ni Art kay Sandy. Tapos dumating ang pagsubok.

(Itutuloy bukas)

ART
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with