Suporta ni Grace Poe sa PWDs
ISYU AT BANAT! - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - October 17, 2020 - 12:00am

Naayos na rin sa wakas ang gusot sa House of the Representatives matapos na magkaroon ng botohan at nailuklok nga sa puwesto si Rep. Lord Allan Velasco na bagong Speaker of the House.

Nawalis ang kapit tuko sa puwesto na si Rep. Alan Peter Cayetano sa kabila ng mga patutsada nito na ilegal umano ang pagkaluklok kay Velasco sa tronong ayaw niyang ibigay na nagresulta sa pagkasira ng “palabra de honor”. Hehehe!

Subalit kung susuriin mas karapat-dapat lamang na mailuklok si Velasco dahil pinaboran siya ng may 240 kongresista. Di ba mga suki? Hindi rin umubra ang pa-tutsada ni Cayetano na nag-resign siya sa puwesto upang bigyang daan ang term sharing agreement nila ni Velasco sa harap ni President Rodrigo Duterte na 15/17 months.

Sayang ang magandang political career ni Cayetano dahil nakudeta siya matapos na suspendehin niya ang session ng Kongreso sa kainitan ng deliberation ng 2021 national budget.

Iba talaga ang karisma ni Digong pagdating sa pagpapatakbo ng bansa, walang matigas na tinapay sa mainit na kape kung kaya ang gusot at pagkaantala ng budget na kailangan ngayong COVID-19 pandemic ay umusad nang mabilisan, hehehe!

Samantala, dismayado si Senador Grace Poe sa kakarampot na pondong inilaan sa pagpapatayo ng disability-friendly facilities para 1.4 milyong persons with disabilities (PWDs) sa panukalang 2021 national budget.

Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na umabot lamang sa P560 mil­yon ang inilaan sa naturang pasilidad na kumakatawan sa 0.05 porsiyento ng kabuuang badyet sa impraestruktura.

Aabot sa P1.07 trilyon ang inilaan sa capital outlay sa ilalim ng   National Expenditure Program para sa 2021.  “Halos 1.4 million ang ating mga PWDs (persons with disabilities). Bakit halos walang laman ang salop para sa kanila?” ayon kay  Poe, gamit ang data mula sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Tinukoy pa ni Poe na kakaunting public building ang tumutupad sa batas para sa PWDs kaya nararapat lamang  na dagdagan ang pondo upang makapagpatayo ng naturang pasilidad.

Hiniling din ni Poe sa pamahalaan na aktibong tugunan ang pangangailangan ng PWDs sa gitna ng pandemya ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). “The government should do more for PWDs than just placing signs for reserved seats. Compliance should not be sticker-deep,” giit ni Poe.

Nakasaad sa Republic Act No. 7277 o ang  “Magna Carta for Disabled Persons” na inaatasan ang pambansa at lokal na pamahalaan na maglaan ng kaukulang pondo para sa pagtatayo ng architectural at structural features para sa taong may kapansanan sa lahat ng gusali ng gobyerno at pasilidad.

HOUSE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with