^

PSN Opinyon

Pasaway

REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda - Pilipino Star Ngayon

Ayan na nga at nahawa na ng COVID-19 si U.S. President­ Donald Trump. Hindi na kagulat-gulat na madapuan ng virus­ ang lider ng pinakamakapangyarihang­ bansa sa mundo. Walang nagawa ang pagiging advanced ng Ame­rika­ sa teknolohiya. Sa pag-asta ni President Trump mula nang nag-umpisa ang pandemya, isa ito sa pasimuno ng “business as usual” na pananaw. Para bang hindi ga­­anong ininda ang paalala ng agham at medisina na mag-ingat sa peligro ng coronavirus.

Ang kalagayan ni President Trump ay salamin din ng kapalaran ng kanyang mga kababayan. Naging mahirap para sa U.S. ang magkaroon ng iisa at organisadong kam­panya laban sa coronavirus dahil sa sistema nitong Pede­ralismo. Sa Pederalismo ay may awtonomiya ang bawat estado at mga lokal na pamahalaan na magdesisyon sa mga hakbang na gagamitin laban sa virus.

Sa mga bansang may Pederalismo, nagdadala­wang isip na kung papaano ito pag-iibayuhin. Kapag may ganitong banta sa kalusugan at kaligtasan, kritikal na ang tak­dang stratehiya ay mapangatawanan ng pangkalahatan. Hindi ito magiging mabisa kapag ang bawat isang teritoryo ay may kanya-kanyang patakaran. Walang sasantuhing­ border ang COVID-19.

Maging ang personal na ugali ni President Trump ay hindi rin dapat tinutularan. Taliwas sa abiso ng mismong mga pinuno ng kanyang Health and Infectious Disease Specialists, nagsawalang bahala ito kahit sa simpleng pro­teksyon ng pagsuot ng masks at pagdistansya sa kausap. Sa kanyang mga pampublikong pakikihalubilo, wala itong pakundangan na sumuong kahit sa gitna nang maraming tao. At ang masama ay harapan nitong kinukuwestyon ang bisa ng mga pag-iingat na para sa lahat.

Marahil ay naniwala si President Trump na hindi dapat tayo nagpapatalo sa takot. At hinihiling din ng pagkakataon na maipagpatuloy ang negosyo at ekonomiya. Kung kaya ipinamalas din niya ang tapang ng isang lider na hinihikayat ang bansang ipagpatuloy ang pamumuhay na nakagawian.

Ang kanyang sentensiya sa COVID-19 ay paalala na matapang man tayo, kailangan pa ring mag-ingat dahil ang virus ay hindi pa rin nawawala.

vuukle comment

COVID-19

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with