Edukasyon 'di dapat pabayaan
Isang matandang kasabihan na hindi mapapasubalian na “ang karunungan ay lakas.” Ang susi ng isang maunlad at malakas na bansa ay ang karunungan ng mga mamamayan nito. Kung pawang mga iliterado ang mga mamamayan, ang bansa ay madaling pagsamantalahan ng mga makapangyarihang bansa.
Nagsimula na ang bagong sistema na pagtuturo na iniakma sa umiiral na pandemya ng COVID-19. Kakaiba sa nakagisnang sistema, ang mga estudyante ay hindi magsasamasama sa loob ng classroom kaharap ang kanilang guro. Hindi na natin ipaliliwanag iyan dahil alam na ng lahat ang tinatawag na distant learning sa pamamagitan ng on-line teaching.
Pero milyun-milyon pa ring mag-aaral sa lahat ng antas ng edukasyon mula sa elementarya hanggang kolehiyo ang hindi pa nakakapag-enrol, bagay na nakakabahala. Pinangangambahan na marami nang estudyante ang nag-drop out bunga ng ganitong sitwasyong dulot ng pandemya.
Higit sa kawalan ng trabaho, maituturing na pinakagrabeng resulta ng kinakaharap nating krisis ay kawalan ng edukasyon. Kung magtatagal pa ang pandemyang ito, lalong lolobo ang bilang ng mga mangmang o walang pinag-aralan.
Kaya sa gusto natin o hindi, kailangang mag-adjust tayo sa hinihingi ng sitwasyon na lahat tayo’y ayaw nating mangyari. Hindi dapat maglubay ang pamahalaan sa tulong ng mga magulang sa paghikayat sa mga kabataan na mag-aral kahit pa ibang sistema ang nakagisnan.
Parang may sariling isip ang COVID na may masamang layuning ibagsak ang ekonomiya ng mga bansa sa pamamagitan ng paglumpo sa galaw ng mga negosyo kasama na ang edukasyon. Minsan, naiisip natin na ito ay pakana ng mga malalaking bansa na ibig makapaghari sa daigdig.
Kung magtatagal pa ang pandemyang ito, dapat pang bubuo ng mga epektibong alternatibo ang pamahalaan para huwag maapektuhan ang takbo ng negosyo at edukasyon ng mga tao.
- Latest