Pagbubulaan ng Beijing ipaalam sa mga Chinese
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - October 5, 2020 - 12:00am

Taun-taon lumalayag ang People’s Liberation Army-Navy sa “pinaka-timog na teritoryo” ng China. Ang James Reef sa South China Sea ay 1,000 milya mula China, at 50 lang sa Malaysia. Pagdating doon itinataas ng Chinese sailors ang bandila, inaawit ang Chinese anthem, at sumusumpa ng katapatan sa Partido Komunista. Taimtim ang sere­monya -- maliban sa detalyeng ang James Reef ay 30 metro sa ilalim ng dagat, katumbas ng 10-palapag na gusali. Nakakapagtakang walang admiral ng PLAN na kumukuwestiyon sa kaululan. Miski mga sinaunang Romano, mahuhusay na manlalakbay na tinawag ang Medi­terranean na “Mare Nostrum” (“Dagat Namin”), ay hindi nagmarka ng boundary ng empire sa pamamagitan ng sinisisid sa pusod ng dagat.

Sa totoo, ang James Reef ay maling isinalin sa Mandarin na sandbar na nakalitaw sa dagat. Gan’un din kamali ang pagpangalan ng China na Haiyan Island sa Scarbo­rough Shoal. Ang pulutong ng bato’t bahura ay 120 milya lang mula sa Luzon pero 800 mula sa China, at daan-daan taon nang tinatawag ng Pilipino na Bajo de Masinloc para sa nakakasakop na munisipyo. Pero anang Beijing pinaka-timog-silangang border nila ‘yon. (Pati Okinawa sa silangan­ kanila rin daw.)

Marami pang krudong pagsalin mula sa mga mapa ng British Admiralty ang bumubuo sa imbentong “historic rights” ng China sa SCS. Kinopya ng Kuomintang ang mga mapa para palabasing hari ang China sa pandaragat bago ang kinasusuklamang kolonisasyon. Kinatha ang sabi-sabi na sinuri ng mga sinaunang enhinyero nila ang karagatan mula sa mga tore sa mainland. Pero bistado pa rin ang kamangmangan. Hindi pinagkaiba ang mga sina­unang termino sa isla (na may sariling bukal ng maiinom na tubig), sa ‘di-mababahayang sandbar, at lubog na bahura, bato, shoal, atoll, bank, at deep.

Ganunpaman, pinaggigiitan ng Beijing ang kabulaanan. Kawawa ang mamamayang Chinese. Dapat ituro sa kanila ang katotohanan.

SOUTH CHINA SEA
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with