^

PSN Opinyon

Malawakang proteksiyon?

K KA LANG - Korina Sanchez - Pilipino Star Ngayon

Tila binigyan nang malaking proteksyon ni Ombudsman Samuel Martires ang lahat ng pampublikong opisyal at empleyado ng gobyerno. Sinuspende niya ang pagsasa­gawa ng lifestyle checks sa kanila. Nais niyang ipanukala sa Kongreso na baguhin ang RA 6713 o ang code of conduct and ethical standards dahil sa kanyang pananaw, may mga panuntunin na “malabo at wala sa katwiran”.

Naniniwala si Martires na kung hindi nagnanakaw ang pampublikong opisyal ay wala na dapat pakialam ang sinu­man kung paano siya mamuhay. Kung nais niyang bumili ng mga mamahaling bag, magsuot ng mahal na damit, bumili ng mamahaling sasakyan, hindi na ito alala­hanin ng sinuman. Idinagdag niya na kung ano ang sukatan ng isa hinggil sa simpleng pamumuhay ay maaaring iba sa sukatan ng iba. Kung ganun, sa opinyon ni Martires ay ma­­aaring simpleng pamumuhay ang bumili ng Ferrari o Rolls-Royce.

Ngunit hindi ba ang lifestyle check nga ang paraan upang matukoy kung ang pampublikong opisyal ay namu­muhay nang labis sa kanyang kinikita? Kung ang opisyal ay may dalang bag na daanglibong piso ang halaga, o kaya’y nagsusuot ng malinaw na mamahaling alahas, o nagmamaneho ng sasakyan na milyun-milyon ang halaga, o nakatira sa eksklusibong subdibisyon na hindi kakayanin ng kanyang buwanang sahod mula sa gobyerno, wala na dapat pakialam ang lahat?

Hindi ba ang lifestyle check ang unang sukatan ng imbes­­tigasyon kung sangkot sa katiwalian ang pampublikong opisyal? Kung aalisin iyan, ano ang tutukuyin ng pagsisiyasat sa taong hinihinalang sangkot sa katiwalian? May tao na hindi mapigilang ipakita sa lahat ang mga mamahaling kagamitan kaya sila nga ang hinihinalang sangkot sa korapsyon, hindi ba? Ang mahirap nga mahuli ay ang hindi nagpapakita ng kayamanan sa tao.

Nais rin limitahan ni Martires ang pagsasapubliko ng Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Pero agad kumontra si dating Ombudsman Conchita Carpio-Morales na labag ito sa Konstitusyon. Ang pagsasapubliko ng SALN ng pampublikong opisyal ay nakasaad sa Konstitusyon dahil nagpapakita ito ng transparency o walang itinatago. Paraan rin ito para matukoy kung ang opisyal ay sangkot sa korapsyon.

Halimbawa, kung ang SALN ng mga nakaraang taon ay labis na mas mababa sa kasalukuyang SALN, dapat mapatunayan kung paano lumaki o kung paano nakabili ng pag-aari sa kasalukuyang sahod. Hindi ba nga ang SALN ang ebidensyang ginamit sa pagpapatalsik kina dating Chief Justice Renato Corona at Maria Lourdes Sereno? Dagdag pa ni Morales, labag sa prinsipyo ng Saligang Batas ang hindi pagsasapubliko ng SALN dahil “public office is a public trust”.

Ang 2018 at 2019 SALN ni President Duterte ay hindi isinapubliko kahit nilagdaan ang Freedom of Information Act. Ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), ito ang kauna-unahang pagkakataon sa 30 taon na hindi ipinakita ng Presidente ang kanyang SALN sa publiko. Bakit nga ba? Madalas ipahayag ng administrasyong ito na kung walang kasalanan o walang itinatago, hindi dapat matakot o mabahala sa batas tulad ng Terrorism Act of 2020.

Bakit ba ito ang mga kilos ng kasalukuyang Ombudsman? Sino ang kanyang binibigyan ng malawakang proteksyon mula sa pagsusuri ng publiko? Ayon sa kanya, ginagawang sandata laban sa mga pampublikong opisyal ang lifestyle checks. Ano pa ba ang maaaring gamitin ng publiko? Limitado na nga sa laban sa katiwalian.

Kung masusunod ang lahat ng gusto ni Martires, tila may malaking pader na nagsisilbing proteksyon para sa lahat ng pampublikong opisyal at empleyado. Hindi ako magtataka kung maglabasan na ang mga mamahaling kagamitan dahil alam nila may proteksiyon sila mula sa taangapan ng Ombudsman.

vuukle comment

SAMUEL MARTIRES

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with