EDITORYAL - Armas laban sa corruption binali ng Ombudsman
EDITORYAL - Armas laban sa corruption binali ng Ombudsman
(Pilipino Star Ngayon) - September 30, 2020 - 12:00am

Asahan na ang paglubha pa ng korapsiyon sa bansa dahil sa bagong patakaran ng Ombudsman ukol sa lifestyle check at sa pag-access ng publiko sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN). Ayon sa Ombudsman, hindi na kailangang isailalim pa sa lifestyle check ang mga public officials.

Hayagang sinabi ni Ombudsman Samuel Martires na ano raw ba ang pakialam sa buhay nang may buhay. Sino raw ba tayo para manghusga. Hindi naman daw lahat ng taong gobyerno na nakaaangat ang buhay ay corrupt na. Wala raw pakialam kung hindi naman magnanakaw ang inaakusahang public official.

Mula nang italaga si Martires ni President Duterte noong Hulyo 2018, itinigil na niya ang pag-lifestyle check sa mga taong gobyerno. Nag-isyu siya ng memorandum circular ukol dito. Ukol sa SALN, ginagamit lang daw itong sandata para ibagsak ang ilang pulitiko. Ginagamit din daw ito para siraan ang isang kawani o opisyal ng pamahalaan. Hindi na raw kailangan ang SALN para i-prove ang isang iniimbestigahan sa kasong pandarambong.

Nawalan ng dalawang mabisang panlaban sa mga corrupt public officials ang ginawang kautusan ni Martires. Sa halip na dagdagan, inalis pa ang mga ito at tiyak na pabor ito sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan. Hindi na sila hahalughugin kaya malayang makapandadambong nang buong laya.

Sabi ni Dante Jimenez sa isang radio interview, nasira raw ang reputation ng Ombudsman. Mabagal na nga raw mag-imbestiga e binigyan pa ng restrictions ang mamamayan.

Nakapagtataka talaga ang posisyon ng Ombudsman sa lifestyle check. Habang ang maraming public officials ay gustong magpa-lifestyle check para hindi sila maakusahang sangkot sa korapsiyon, tutol naman dito ang mismong Ombudsman. Ngayong hindi na ito pinapayagan ng Ombudsman, mas lalong malaki ang tsansa na hindi na mahabol ang mga naglustay ng pera ng taumbayan.

Binali ng Ombudsman ang armas laban sa mga tiwali. At tiyak na nagbubunyi ang mga corrupt sa Customs, Immigration, BIR at iba pang tanggapan dahil hindi na sila isasailalim sa lifestyle check. Wala nang makakapigil sa kanila sa pagsipsip sa kaban ng bayan.

SALN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with