EDITORYAL - Di na raw kailangan ang lifestyle check
EDITORYAL - Di na raw kailangan ang lifestyle check
(Pilipino Star Ngayon) - September 27, 2020 - 12:00am

Lifestyle check ang isa sa mga paraan para matiyak na ang isang public officials ay hindi nangungurakot sa kaban ng yaman. Kapag nakitang maluho ang uri ng pamumuhay ng taong gobyerno at hindi naman naaayon sa tinatanggap na suweldo, magiging daan ito para makasuhan ng graft ang public official.

Pero kontra si Ombudsman Samuel Martires sa pag-lifestyle check sa public officials. Hindi na raw ito kailangan. Ano raw ba ang pakialam sa buhay nang may buhay. Sino raw ba tayo para manghusga. Hindi naman daw lahat ng taong gobyerno na nakaaangat sa buhay ay ibig sabihin ay corrupt na. Ano ba ang pakialam kung hindi naman magnanakaw ang inaakusahang public official.

Pinansin din ni Martires ang para sa kanya’y maling probisyon sa Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) na nagsasabing ang lahat ng tao ay dapat mamuhay nang naaayon sa kanyang posisyon at tinatanggap na sahod. Hindi raw ito makatwiran.

Mula nang italaga si Martires ni President Duterte noong Hulyo 2018, itinigil na niya ang pag-lifestyle check sa mga taong gobyerno. Pati ang isyu sa pag-access ng publiko sa statement of assets, liabilities and net worth (SALN) ng ranking government officials ay tutol din si Martires, Ginagamit daw na sandata ang SALN para ibagsak ang ilang pulitiko. Ginagamit din daw ito para siraan ang isang kawani o opisyal ng pamahalaan. Hindi na raw kailangan ang SALN para i-prove ang isang iniimbestigahan sa kasong pandarambong.

Nakapagtataka talaga ang posisyon ng Ombudsman sa lifestyle check. Habang ang maraming public officials ay gustong magpa-lifestyle check para hindi sila maakusahang sangkot sa korapsiyon, tutol naman dito ang mismong Ombudsman. Gaya ng mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa korapsiyon, gusto nila ay i-lifestyle check sila para patunayan na ino­sente sila sa ibinibintang sa kanila. Ngayong hindi na ito pinapayagan ng Ombudsman, mas lalong malaki ang tsansa na hindi na mahabol ang mga naglustay ng pera ng taumbayan. Tiyak din matutuwa ang mga corrupt sa Customs, BIR at iba pang tanggapan dahil wala nang lifestyle check.

Kung tutol si Martires sa lifestyle check at ganundin sa isyu ng SALN, bakit bumoto siya noong 2018 para mapatalsik si dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno dahil sa hindi kumpletong SALN.

Palaisipan talaga kung bakit tutol ang Ombudsman para i-lifestyle check ang public officials. Meron kaya siyang pinangangalagaan?

LIFESTYLE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with