Sakit sa mata: Anong gagawin?
DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - September 24, 2020 - 12:00am

Maraming tao ang binabalewala ang mata. Pero naisip n’yo ba ang mawawala sa inyong buhay kapag nabulag? Hindi n’yo na makikita ang kapaligiran, ang dagat at ang mukha ng iyong asawa at anak.

Narito ang mga solusyon sa mga problema ng mata:

1. Kapag edad 40 ay lumalabo na ang paningin. Ang tawag dito ay presbyopia, kung saan humihina ang pag-focus ng ating mata sa malalapit na bagay. Normal lang ito at kumunsulta sa isang optometrist (sa mga tindahan ng salamin) para magpasukat ng salamin.

2. Eye bags. Para mabawasan ang eye bags, subu­kang maghilamos ng malamig na tubig sa umaga. Puwede rin gumamit ng basang cotton balls na nilubog sa yelo o pipinong pinalamig. Ipatong ito sa mata ng 15 minuto at ma­babawasan ang pamamaga ng mata. Ang isa pang home remedy ay ang paggamit ng teabag (bag ng tsaa) na ipinapatong sa mata. Ang teabag ay may tannin na lumilinis at nagpapa-firm ng balat.

3. Nanunuyong mata sa edad 60 pataas (dry eyes). Pang­karaniwang sakit ito ng may edad dahil nababawasan­ ang paggawa ng luha. Ang solusyon dito ay ang madalas­ na pagpatak ng artificial tears na mabibili sa botika. Kung gustong makatipid, puwedeng magtimpla ng sariling “luha”. Maghalo ng katiting na asin at isang onsang distilled water. Ihalo maigi at gamitin itong pang-patak sa mata. Bumili na lang ng dropper.

4. Cataract o katarata. Kapag malabo ang salamin ng kotse ay mahihirapan kang magmaneho. Ganito rin ang nangyayari sa katarata kung saan lumalabo ang lente ng mata. Ang sanhi ng katarata ay ang matinding araw, pag-edad, diabetes at paninigarilyo. Hanggang ngayon ay walang pangpatak para malunasan ang katarata. Ang solusyon sa katarata ay isang simpleng operasyon na gina­­gawa ng mga eye specialists. Magpa-check sa doktor sa mata.

5. Glaucoma. Sa glaucoma, nababarahan ang pagdaloy ng likido sa loob ng ating mata. Dahil dito, tumataas ang presyon sa loob ng mata. Puwede ito magdulot ng pananakit ng ulo at pagkabulag. Ginagamot ang glaucoma sa pamamagitan ng eye drops o laser surgery. Seryosong sakit ang glaucoma at kailangan magpatingin agad sa eye specialist.

6. Twitching of the eyelids o iyung panginginig ng talukap ng mata. Pangkaraniwang pangyayari ito at hindi po ito masama. Dulot ito ng pagkapagod ng ating mata. Marahil ay gabi na at nasobrahan ang iyong pagbabasa o pagta-trabaho. Ipikit ang mata at ipahinga. Matulog ng mahaba sa gabi. Kinabukasan ay wala na iyang problema.

7. Malabong paningin sa umaga. Pangkaraniwan din ito. Ang dahilan nito ay ang pagkatuyo ng ating cornea (iyung harapan ng mata). Ipikit-pikit mo lang ang mata ng ilang beses para mabasa ito ng luha. Maya-maya ay manunumbalik na ang malinaw mong paningin.

8. May laman na tumutubo sa harap ng mata. Ang tawag dito ay pterygium, at dulot ito ng pagkairita ng mata sa usok, alikabok at dumi. Para hindi lumaki ang pterygium, umiwas sa mauusok na sasakyan at huwag nang ganoong lumabas sa kalye. Hindi delikado ang pterygium. Ngunit kapag natakpan na nito ang iyong paningin, kailangan itong operahan at alisin ng doktor.

9. Sore eyes. Ang sintomas ng sore eyes ay ang pamumula ng dalawang mata. Makati ito at parang may buhangin sa mata. Ito ay impeksyon sa mata na nahawa mula sa ibang tao. Mabilis kumalat ang sore eyes. Huwag makipagkamay o gumamit ng kagamitan ng taong may sore eyes. Para magamot ang sore eyes, patakan ng anti-bacterial eyedrops 3 beses sa maghapon. Puwedeng linisin ang mata ng salt solution. Maghalo ng distilled water at katiting na asin. Ihalo ito maigi. Kumuha ng cotton balls at isawsaw dito. Ipikit ang mata at ipatong ang basang cotton balls sa mata ng 5 minuto. Hayaang manuot ang tubig na may asin sa iyong mata. Medyo masakit ito pero mapabibilis ang paggaling ng iyong sore eyes.

10. Eye floaters o iyung may lumulutang na bagay-bagay sa paningin. Puwede kang matakot kapag una mo itong makita. Minsan ay hugis bilog o pahaba ang iyong matatanaw. Ang mga lumulutang na bagay ay nasa loob pala ng iyong mata. Dulot ito ng pag-edad o pagkakaroon ng dating pinsala (nabangga ang mata). Hindi naman po delikado ang floaters. Tandaan lang na kapag biglang dumami ang nakikita mong floaters, magpatingin na sa isang eye specialist.

Good luck po!

MATA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with