EDITORYAL - Hayaang mag-abroad ang healthcare workers
EDITORYAL - Hayaang mag-abroad ang healthcare workers
(Pilipino Star Ngayon) - September 23, 2020 - 12:00am

Mabuti at nagpasya ang pamahalaan na alisin ang deployment ban sa healthcare workers. Sa pag-aalis ng ban, matutupad na ang pangarap ng health workers na mapabuti ang kanilang buhay­ na pitong buwan ding nasadlak sa kahirapan. Ma­ka­kamtan na rin ang inaasam-asam nilang pagbabago sa buhay na sinalanta ng pandemya.

Mula nang ipatupad ang lockdown noong Marso dahil sa COVID-19, maraming overseas Filipino workers­ (OFWs) ang naapektuhan. Hindi sila makaalis sapag­kat ipinagbawal ng pamahalaan. Kahit may mga kontrata na sa foreign employer hindi sila pinayagan. Isa pa kanselado lahat ang mga flight. Mara­ming inabutan ng pagkapaso ng working visa. Naging problema rin sa bansang pinagtatrabahuhan sapag­kat nagkaroon ng paghihigpit dahil sa pandemic.

Kabilang sa mga naapektuhan ang mga healthcare workers gaya ng nurses, x-ray technicians, me­dical technologists at iba pa. Marami sa kanila ay may mga kontrata nang pinirmahan, may working visa, plane ticket at lilipad na lang sana noong Abril pero dahil inabutan ng lockdown, hindi na nakaalis. At lalo pang nalagay sa alanganin nang ipagbawal na mismo ng pamahalaan ang pag-alis ng lahat ng health workers. Nagkaroon ng deployment ban. Walang makaaalis na nurses at iba pang hospital workers. Ang ban ay ipinatupad sa pamamagitan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA)

Noong Lunes, inalis na ang deployment ban sa health workers. Lahat nang may kumpletong dokumento na may petsang Agosto 31 ay maaari nang makaalis patungong ibang bansa. Si President Duterte mismo ang nag-apruba makaraang irekomenda ng POEA. Sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque nakinig daw ang Presidente sa hinaing ng mga nurses. Kaya ang may mga papeles at kumpletong documentation pinayagan nang makaalis.

Nararapat naman na hayaan nang makaalis ang health workers para makapagtrabaho sa bansang nais nilang puntahan. Mabuti nga para mabawasan na ang mga walang trabaho sa kasalukuyan. Sa ibang bansa, may pagkakataon ang health workers na kumita nang malaki. Kung dito nga naman sa Pilipinas­, wala silang aasahan dahil maliit ang suweldo at be­ne­pisyo. Kawawa ang kanilang kalagayan sa mga ospital dito.

Kung mabuti ang pasahod at benepisyo rito, maaaring hindi na maghangad na mangibang bansa. Nararapat lang na huwag silang pigilan na mangi­bang bayan.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with