Larga na
REPORT CARD - Atty. Ernest Maceda (Pilipino Star Ngayon) - September 23, 2020 - 12:00am

Sapilitang pang-aalipin. Ito ang bukambibig ng mga nurse at health care professionals na naipit sa deploy­ment­ ban ng POEA noong Abril. Maaalalang daliang ipinatupad ng gobyerno ang pagbawal sa pangi­ngibang bansa ng mga kababayan nating nais makipagsapalaran. Hindi ang kanilang kaligtasan ang inaalala kung hindi ang kapa­laran ng bansang napag-iwanan. Saan pa raw aasa itong huli kapag lumala ang pandemya? Kailangan dito ang ating mga health care workers para sa sarili nating seguridad.

Masisisi ba natin ang mga health care workers na magdamdam? Mahirap intindihin ang ganitong pag­higpit gayong ginagarantiyahan ng Saligang Batas ang karapatan ng bawat Pilipino na lumakbay at maki­pag­sapalaran sa lugar na nais nitong pakalagyan. Habang ang kapwa nila Pilipino ay malayang makipagsapa­laran, sila naman ay nililimitahan.

Sabihin na nating may kapangyarihan din ang gob­yerno na limitahan ang malayang pagkilos at paglakbay kapag hinihingi ng pagkakataon, lalo na kapag kalusugan ng publiko ang konsiderasyon. Ang kaso ay hindi naman kaligtasan ng mga manlalakbay na ito ang nagbunsod ng ban. Ayaw lang natin silang umalis nang magkakumpiyansa tayo na hindi mauubusan nang mag-aaruga sa atin.

Sapilitan ngang pang-aalipin ang tawag sa ganito. Ang ating mga health workers ay may obligasyon na gamutin ang kapwa. Subalit hindi sila dapat tanggalan ng karapatang magdesisyon kung saan nila gagawin ang trabahong ito. Hindi naman sila mga empleyado ng pamahalaan na maaring diktahan ng pagtrabahuan.

Sa mismong pamahalaan ay hindi rin nagkasundo ang mga opisyal. Sina Sec. Teddy Boy Locsin, Sec. Sal Panelo ay kabilang sa nagpahiwatig ng ‘di pagsang-ayon sa ban.

Noong Lunes, inanunsyo ni Sec. Harry Roque na pumapayag na si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pagbigyan ang mga health workers na mayroon nang mga kontrata sa ibang bansa. Naunawaan ng Pangulo ang kanilang kalbaryo at hindi ito tatayong hadlang sa kapalarang kaya nilang hanapin sa ibang bansa.

Ang desisyon ng Pangulo ay patunay na sa kabila ng tensiyon ng nag-uumpugang interes ngayong panahon ng pandemya, nananatiling bukas ang kanyang puso sa kapakanan ng kanyang mga kababayan.

POEA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with