PNP chief Cascolan, kalusin mo ang pasabong ni Ang
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - September 22, 2020 - 12:00am

NABUNUTAN ng tinik sa lalamunan ang mga negos­yante­ sa Tagaytay City matapos na payagan na silang magbukas­ ng kanilang mga puwesto.

Kung inyong matatandaan na matapos na pumutok ang Bulkang Taal ay malaking naapektuhan dito ay ang mga negosyante sa tourist spot ng Bansa, itong Tagaytay nga mga suki. Kasi nga halos mabalot ng abo ang lahat ng mga establisimiento kung kaya mapanganib sa kalusugan.

Lalo pang lumubog matapos naman magkaroon ng COVID-19 at maisailalim ito sa enhanced community qua­rantine (ECQ). Kaya nitong nakalipas na mga araw lamang mga suki, muling nagbukasan na ang mga negosyante kung kaya kahit papaano’y muli silang nakabangon sa pagkalugi.

Ito kasing Tagaytay ay mayroong napakagandang views­ na mapaglilibangan ng mga kababayan natin, (hindi pa riyan kasali ang mga turista) at dito rin matitikman ang masasarap na pagkain at sariwang prutas

Kaya hindi ito makakaligtas sa pag-inspection ni PNP Deputy for Administration LtGen. Guillermo Eleazar na hepe ng Task Force COVID Shield, kung nasusunod ang health protocol ng Inter-Agency Task Force.

Sa paningin ko, pasado na kay Eleazar at IATF emple­mentors ang pagpapatupad ng health protocol ng local government units (LGUs). Ang lahat kasi ay kailangang magsuot ng face mask, face shield at panatilihin ang physical distancing.

Ngunit may bulong ang ilan kong mga kaibigan diyan sa Tagaytay, ayon sa kanila “Bakit hindi natitinag itong pasabong diyan sa Balete, Batangas sa kabila ng mahigpit na ipinagbabawal ito mula nang umatake ang COVID-19”.

Ayon pa sa mga kausap ko, halos araw-araw na may pasabong ito at may nagaganap pang derby. Ang matindi nito sa mismong farm pa umano ng kilalang sabungero na si Atong Ang. Mukhang malakas ang kapit nito sa bagong hirang na PNP chief Gen. Camilo Pancratius Cascolan kung kaya hindi kumikilos sng Batangas police.

Maging ang mga tauhan ni Calabarzon director BGen. Vicente Danao ay tila nagbubulag-bulagan lamang dahil pader ang kanilang makakasagupa. Aba, PNP chief Cascolan, kailangang kumilos ka rito at baka dumating ang araw ay mabulaga ka na lamang sa iyong puwesto.

Sa panahon ngayon na maraming nagkaka-interest sa puwesto tiyak na baka maibulong ka nila kay President Rodrigo Duterte sa pagpapabaya mo sa illegal na sabong. Hehehe!

Kaya atasan mo ang iyong mga tauhan sa PNP Cyber Crime  na imonitor ang online sabong dahil may nagbulong sa akin na hindi lamang pustahan sa sabong sa Balete, Batangas malakas ang tinatabong kita nito kundi maging sa online gaming.

Maging si Game and Amusement Board chairman Abraham Mitra ay dapat lang kumilos dito sa illegal na pasabong ni Ang. Kung inyong matatandaan naging tampulan ng balita ang pagkahawa-hawa ng COVID-19 sa Davao matapos na magpositibo ang ilang sabungero.

Kaya ipinatigil ito at magpasahanggang ngayon ay hindi pa pinapayagan ang illegal na sabong sa buong bansa.

Panahon na para kumilos kayo, upang mapigilan na itong pagkalulong ng ilan nating kababayan sa sugal na sabong at upang mapigilan na rin ang hawahan ng COVID-19 diyan sa Balete, Batangas.

Kilos na PNP chief Cascolan!

Abangan!

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with