Kalaboso ang mister (Unang bahagi)
IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - September 20, 2020 - 12:00am

Ang karahasan laban sa babae ay pinarurusahan sa ilalim ng isang espesyal na batas, ang RA 9262 na tinatawag na “Violence against Women and Children Act” (VAWC). Kasama sa kategorya ng karahasan ang sikolohikal na hindi lang pisikal na pananakit basta ginagamit ang mental o emosyonal na pagpapahirap, pati ang pagpahiya sa publiko ng isang babae o bata. Kasama na rito ang pagtanggi na bigyan ng pinansiyal na suporta ang biktima.

Sa ilalim ng batas, may karapatan ba na humingi ng pinansyal na suporta ang isang misis sa kanyang mister? Ito ang tanong na sasagutin sa kaso ni Danny.

Kasal si Danny kay Linda. Mula sa kanilang pagsasama ay nagkaroon sila ng apat na anak pero tatlo lang ang pinalad na mabuhay at nasa hustong gulang. Isang piloto sa hukbong panghimpapawid o airforce si Danny. Pagkatapos ay lumipat siya ng trabaho at naging isang commercial pilot.

Bihira siyang umuwi sa kanilang bahay at nakabase sa isang bansa sa Africa para magdala ng mga relief goods sa pamamagitan ng eroplano. Dati ay nagbibigay siya ng P10,000 hanggang P20,000 na sustento sa kaniyang pamilya. Pero pagkatapos ng 26 na taon ng pagsasama ay bigla na lang nahinto ang kanyang padala kung kailan pa naman maraming sakit na iniinda si Linda.

Bandang huli, nalaman niya na nagpakasal na pala si Danny sa isang babaing taga-Africa, at nagkaroon na ng apat na anak.

Kinasuhan ni Linda si Danny ng bigamy at isang impormasyon sa paglabag ng VAWC ang nilabas. Isinampa ito sa RTC na naglabas naman ng temporary protection order (TPO) na ipinag-uutos  kay Danny na patuloy na magbigay ng sustentong pinansiyal sa halagang P20,000 sa kanyang misis.  Naglabas din ng hold departure order (HDO) ang korte laban kay Danny sabay ginawang permanente ang TPO.

Ang orihinal na kaso ni Danny ay paglabag sa Sec. 5 (e), par. 2 ng RA 9262 pero binago ito at ang isinampang kaso ay paglabag sa Sec. 5(i) para sa ginawa niyang pag-iwan kay Linda na walang pinansiyal na suporta o kahit man lang magbigay para sa pangunahing pangangailangan   ng pobre. Tuloy ay nagdusa raw ito ng emosyonal at sikolohikal na paghihirap sa misis.

Pero itinanggi ni Danny ang paratang. Natuloy ang paglilitis at si Linda ang tumayo bilang pangunahing testigo ng prosekusyon. Pati doctor na gumamot kay Linda at isang anak niyang babae ay nagbigay ng kanya-kanyang salaysay.

Bilang depensa, tumestigo rin si Danny. Kinuwestiyon niya ang bisa ng kasal nila at nagmatigas na hindi naman siya nakarating sa kasal at pineke lang ang pirma nito diumano sa marriage certificate. Live-in o sa madaling salita ay nagsasama lang daw sila bilang mag-asawa (common law).

Dahil nga nagkaroon sila ng apat na anak (tatlong babae at isang lalaki), ay napilitan lang si Danny na suportahan ang babae pero dahil sinampahan siya ng kasong bigamya ay nainis na siya sa babae na itinuring niyang isang ingrata.

Matapos ang paglilitis, hinatulan ng RTC si Danny. Nagkasala raw ang lalaki at ang parusa ay kulong mula tatlong taon hanggang walong taon at isang araw ang pinakamatagal. Inutos din na ituloy niya ang pagbibigay ng pinansiyal na suporta sa asawa.

Parehas ang naging hatol ng Court of Appeals. Kaya nagsampa ng petisyon si Danny sa Supreme Court. Ayon sa lalaki ay hindi naman malinaw kung ano ang pinaparusahan sa Sec. 5 (i) ng RA 9262 at wala naman daw obligasyon ang lalaki na bigyan ng pinansyal na suporta si Linda dahil hindi naman sila kasal.

Pero kinatigan ng Supreme Court ang desisyon ng RTC at CA. Ayon sa SC, napatunayan ng prosekusyon sa pamamagitan ng mga testimonya ni Linda at ng anak nitong babae na totoong gumawa ng sikolohikal na karahasan o psychological violence si Danny nang bigla nitong itinigil ang pagbibigay ng pinansiyal na suporta sa asawa habang nasa ibang bansa ang lalaki.

Dumanas siya ng mental at emosyonal na paghihirap at umabot ito sa punto na pati ang kanyang kalusugan ay naapektuhan na.  (Itutuloy)

VAWC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with