Nasa bakuran na natin
K KA LANG - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - September 17, 2020 - 12:00am

Tuluy-tuloy na ang dalawang proyekto kung saan pa­pasok ang mga kompanya mula China sa mga base-militar ng bansa. Nilagdaan na ni Defense Sec. Delfin Loren­zana ang kasunduan para magtayo ng cell phone towers ang Dito Telecommunity Corp. sa ilang base-militar ng bansa.

Apatnapung porsiyento ng Dito ay pag-aari ng China Telecom at ang natitira ay pag-aari ng Udenna Corp. ni Dennis Uy na kilalang kaibigan at taga-suporta ni President Duterte.

Ilang grupo ang nagpahayag ng pangamba na ma­aaring mag-espiya ang China sa pagtayo ng cell phone towers sa loob ng bansa, at sa base-militar pa. Ayon kay Sen. Kiko Pangilinan, ang pagbawal ng Amerika at iba pang bansa sa mga kompanyang telco mula China dahil inakusahan ng pag-eespiya ay dapat sinundan din ng bansa.

Pero tiniyak ni AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo na handa ang AFP para kontrahin ang anumang kilos ng pag-eespiya na maaaring gawin ng China. Pero kung binawal ng Amerika at iba pang bansa na malayo ang teknolohiya kumpara sa atin, ‘di kaya dapat sumunod­ na lang tayo sa kanila? Pero dahil China nga at kaibigan pa ni Duterte ang kompanya, aprubado na.

Sa Sangley Point naman kung saan isang kilalang blacklisted na kompanya mula China ang gagawa ng bagong paliparan, tutol naman ang Philippine Navy na pa­alisin sila sa kampo. Ang China Communications Cons­truction Co. Inc. (CCCC) ang isa sa mga kompanyang gumawa ng mga artipisyal na isla sa South China Sea na ngayon ay ginagamit na ng militar ng China. Kaya sila blacklisted ng Amerika.

Pero sa Pilipinas, bukas ang lahat para sa kanila. Kaya ayaw umalis ng PH Navy sa lugar. Tutol din ang PH Navy sa planong tambakan ang makasaysayang Cañacao Bay, ang lugar kung saan naganap ang Battle of Manila Bay. Hindi raw ito dapat tambakan lang.

Mabuti at listo ang AFP sa dalawang proyektong ito. Tataas nga naman ang kilay mo dahil sa pagkabukas-palad ng administrasyon sa mga kompanya mula China, kahit may mga pag-aalala at pangamba mula sa mamamayan. Sana nga at handa ang AFP sa anumang gagawin ng China na hindi maganda kung maganap nga. Nasa loob na ng ating bakuran. Kung hindi napigilan ang China na maglikha ng mga isla sa South China Sea, ano kaya ang kaya nilang gawin kapag nasa bakuran na natin?

DITO TELECOMMUNITY CORP.
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with