Sukang puti: Laban sa fungal infection at diabetes
DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - September 17, 2020 - 12:00am

Ang sukang puti ay gawa sa acetic acid. Puwede ito sa mga may diabetes at matataba. Mabisa rin itong panlaban sa fungal infection.

Para sa diabetes at pampapayat:

1. Diabetes:

Ang pag-inom ng sukang puti (o Apple Cider Vinegar) ay maaaring magpababa ng asukal sa dugo (blood sugar­ levels). Ayon sa pagsusuri ni Dr. Carol Johnston ng De­part­ment of Nutrition sa Arizona State University, ang pag-inom ng 2 kutsaritang sukang puti na inihalo sa isang basong tubig bago kumain ay makapipigil sa biglang pagtaas ng blood sugar pagkatapos kumain. Nakatulong ito sa mga taong may diabetes o kahit sa normal na tao.

Ayon kay Dr. Johnston, ang acetic acid ng suka ay po­sib­leng pumipigil sa pagtunaw ng carbohydrate na ating kinain. Dahil dito, hindi na ito maa-absorb ng ating katawan at maidudumi na lang. Bukod sa pag-inom ng iyong regular na gamot sa diabetes, puwede rin itong subukan.

2. Pampapayat:

Ayon sa pagsusuri ni Elin Ostman, Ph.D. ng Lund Uni­­versity, ang pagkain ng tinapay na may kasabay na sukang­ puti ay makababawas sa pagkagutom pagkatapos kumain.

May isa pang research si Dr. Johnston, kung saan ang 30 katao ay kumain ng 2 kutsarang sukang puti, kasama ang kanilang pagkain sa tanghalian at hapunan. Pagkatapos ng 4 na linggo, nakita niyang pumayat ng 2 pounds ang lahat ng sumubok nito. May iilan pa nga ang pumayat ng 4 pounds.

Isang babala lamang: Ang purong suka ay matapang at acidic. Kapag hindi ito hinaluan ng tubig o pagkain, puwede itong makasira ng lalamunan, ipin at sikmura. Huwag din itong subukan kung ika’y may ulcer o hyperacidity.

Para hindi masyadong maasim, puwedeng paghaluin ang 1-2 kutsaritang sukang puti, kaunting honey o asukal, at isang basong tubig. Inumin ito bago kumain.

Ang isa pang mas safe na paraan ng paggamit ng sukang puti ay ang paghalo nito sa iyong regular na kinakain. Gamitin ang suka para sa ensalada (huwag na ang mayonnaise dressing). Isawsaw sa suka ang pritong isda at kanin. Huwag itong sobrahan. Ang 1-2 kutsaritang suka (5-10 ml) kasabay ng iyong pagkain, ay maaaring makatulong sa iyong pagpapapayat.

Panlaban sa fungal infection:

1. Impeksyon sa tainga o swimmer’s ear.

Ang swimmer’s ear ay isang makating impeksyon sa butas at labas ng tainga. Ito’y nakukuha sa pagligo sa maruming swimming pool o sa dagat. Para gamutin ito, maghalo ng ½ kutsaritang sukang puti, ½ kutsaritang alcohol at ½ kutsaritang tubig na malinis. Itagilid ang ulo at ipatak ito sa loob ng tainga. Hayaan itong manuot ng 1-2 minuto bago ipatulo ang suka palabas. Gawin ito ng 2 beses sa maghapon hanggang gumaling ang impeksiyon. Tandaan: Huwag itong gagawin kung posibleng butas ang iyong eardrum.

2. Athlete’s foot o alipunga.

Ang alipunga ay isang impeksyon sa pagitan ng daliri ng paa. Nagbabalat ito at makati. Nakukuha ito kapag laging basa o pawis ang paa. Para magamot ito, maghalo ng 1 basong sukang puti at 1 basong tubig sa isang palanggana. Ibabad ang iyong paa ng 15 minuto, 2 beses sa maghapon. Tuyuin ang paa maigi pagkatapos ibabad. Puwedeng pahiran ng alcohol ang paa para mapatay din ang mga bacteria. Gawin ito ng ilang araw hanggang sa mawala ang alipunga.

3. Vaginal yeast infection o impeksyon sa puwerta.

Minsan, ang mga babae ay nagkakaroon ng makati at puting discharge sa kanilang puwerta. Puwedeng makuha ito sa paggamit ng nylon na panty at pantyliner. Kailangan ding laging maghugas pagkatapos umihi o dumumi. Para magamot ito, nagbibigay ang doktor ng anti-fungal suppository. Ngunit kung walang pera, puwedeng maghalo ng 1 kutsarang sukang puti sa 2 basong maligamgam na tubig. Gamitin ito para hugasan ang loob at labas ng puwerta (douching). Gawin ito ng 2 beses sa maghapon at sa loob ng 5-7 araw. Kapag gumaling na ang impeksyon, tigilan na ang paghugas sa loob ng puwerta, dahil nakasasama din ito sa katagalan. Kumain din ng isang tasang Yogurt sa loob ng 5 araw para manumbalik ang lactobacillus, ang mga good bacteria ng ating katawan.

4. Kulugo o warts.

Mahirap gamutin ang kulugo. Mahal ang gastos para magpa-cautery sa doktor. Ang isang home remedy ay ang paggamit ng cotton ball na sinawsaw sa purong sukang puti. Ipatong itong cotton ball sa kulugo at i-tape ng band-aid sa buong magdamag. Siguraduhing basang-basa ang cotton ball ng suka. Medyo mahapdi ito. Gawin ito araw-araw sa loob ng 2 linggo o lampas pa. Pagkalipas ng ilang araw, mamamaga at mangingitim ang kulugo, bago ito tuluyang matatanggal. Ituloy pa rin ang paglagay ng suka ng ilang araw para hindi bumalik ang kulugo. Maghugas palagi ng kamay para hindi lumipat ang kulugo sa ibang parte ng katawan.

5. Balakubak o dandruff.

Maghalo ng 1 tasang maligamgam na tubig at 1 tasang sukang puti. Mag-shampoo at magbanlaw ng buhok. Pagkatapos ay saka ipahid ang sukang puti sa may puno ng iyong buhok (hair roots) kung nasaan ang balakubak. Hayaan ito ng 30 minutos bago banlawan. Gawin ito ng 1-2 beses kada linggo para mabawasan ang balakubak. Kapag hindi pa rin gumagaling, damihan mo ang halo ng sukang puti at bawasan ang tubig. Ang acetic acid ng suka ang papatay sa fungus na Malassezia furfur, na nagdudulot ng balakubak.

DIABETES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with