Hindi nakawala sa kasal (Una sa 2 bahagi)
IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison (Pilipino Star Ngayon) - September 13, 2020 - 12:00am

Ang katatagan ng kasal at ang tibay ng pamilya ay nakatatak sa ating Saligang Batas. Kaya anumang pagdududa tungkol dito ay laging pabor dapat sa pagpapatuloy ng kasal. Kung may isa sa mag-asawa na gustong magpawalang-bisa nito ay responsibilidad niya ang maghain ng ebidensiya patungkol dito.

Dinidikta kasi ng Saligang Batas ang tungkulin na protektahan ang kasal bilang pangunahing institusyon sa lipunan at pundasyon ng isang pamilya. Hindi basta malulusaw ang kasal dahil lang sa kapritso ng mag-asawa o ng isa sa kanila. Ito ang ipinaliwanag sa kaso nina Gardo at Gracie.

Nang unang makilala ni Gardo si Gracie ay nagkagusto na agad siya rito at walang inaksayang panahon para ito ligawan. Pahintu-hinto ang kanilang relasyon dahil may ibang manliligaw pa noon si Gracie. Makaraan ang apat na taon ay nagpakasal sila at nagkaroon ng dalawang anak. Para makatipid, nakitira sila sa bahay ng mga magulang ni Gardo.

Lumipas ang 22 taon ay hindi na nakatiis si Gardo at nagsampa ng petisyon sa RTC para ipawalang-bisa ang kanilang kasal sa ilalim ng batas (Art. 36 Family Code) base sa psychological incapacity o di-umano ay diperensiya sa pag-iisip ni Gracie.

Hindi matagpuan ang babae sa kanyang huling tirahan kaya ipinalathala pa sa diyaryo ang anunsiyo tungkol sa petisyon. Nang mapatunayan ng piskalya na walang sabwatan sa mag-asawa ay hinayaan na si Gardo na magsumite ng ebidensiya.

Para patunayan ang diperensiya ng asawa ay tumestigo si Gardo tungkol sa madalas nilang pag-aaway ng misis na may ugaling maghagis ng kung anu-ano sa kanya sa tuwing nag-aaway sila. Una raw ay todo-iwas pa si Gracie na mabuntis at nakunan sa una nilang anak. Pinagbawalan din daw ng babae si Gardo na makipagharutan sa ibang babae o makipagkita man lang sa mga kaibigan hanggang bandang huli ay napilitan na ang lalaki na magbitiw na lang sa trabaho.

Minsan daw ay sumugod sa opisina si Gracie at nag-iskandalo sa harap ng mga katrabaho nito. Minsan naman, inundayan siya nito ng kutsilyo at nasugatan siya sa braso. Iniinsulto rin daw siya ng asawa sa maliit niyang suweldo. At kahit ibinigay na niya ang lahat niyang sahod sa babae ay nakuha pa nito na umutang kung kani-kanino at gamitin ang kanyang credit card.

Nang mangibang-bansa raw si Gardo ay pinabayaan ng babae ang kanilang mga anak at nakipagrelasyon sa ibang lalaki hanggang magkaroon pa ng dalawang anak sa labas. Gusto pa raw sana ni Gardo na isalba ang kanilang pagsasama pero si Gracie na ang tumanggi at nagtrabaho sa ibang bansa habang nakikipagrelasyon sa lalaking may asawa.

Tumestigo rin ang katulong nila na si Narda at sinang-ayunan ang lahat ng sinabi ni Gardo. Nagsumite rin sila ng ulat o psychological evaluation report mula kay Dra. Nimfa base sa mga pag-uusap nila ni Gardo, ng katulong na si Narda at ng isang anak na si Virgie.

Kinumpirma ng ulat na may psychological incapacity si Gracie o wala siyang kakayahan para gampanan ang tungkulin bilang asawa sa kadahilanan na mayroon siyang sakit sa pag-iisip (histrionic personality disorder with anti-social personality traits) at patunay dito ang kanyang makulay at madramang buhay.

Ayon sa ulat ay mapusok si Gracie at madaling maapektuhan lalo ng mga lalaki at mga kaibigan. Ayon din sa ulat ay may taglay na si Gracie na psychological incapacity bago pa niya pakasalan si Gardo at sobrang nakatatak na ito sa kanyang pagkatao at mahirap na itong baguhin.

Matapos ang paglilitis, naglabas ng desisyon ang RTC pabor kay Gardo at pinawalang-bisa ang kasal mula pa lang sa umpisa, alinsunod sa Art. 36 ng Family Code. Pero nagsumite ng mosyon ang Office of the Solicitor General (OSG) para humingi ng rekonsiderasyon sa kaso.

Nang ibinasura ito ng korte ay inakyat ang apela sa Court of Appeals. Ayon sa OSG, kulang ang ebidensiyang inihain ni Gardo para patunayan na may psychological incapacity si Gracie. (Itutuloy)

BATAS
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with