Tangkilikin ang PCSO
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - September 12, 2020 - 12:00am

KUNG sa pagtulong sa sambayanan ang pag-uusapan, hindi pahuhuli ang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO). Sa kabila ng pagtigil operasyon ng mga palaro nito mula nang isailalim sa enhanced community quarantine ang buong bansa hindi naman natigil ang pag­papalabas ng bilyun-bilyong piso para matustusan ang medical needs ng mga mahihirap nating kababayan. Mali­naw na hindi nasayang ang inyong pagtangkilik sa mga palaro ng PCSO kaya naibabalik sa sambayanan ang nali­likom nitong debidendo para tustusan ang kakulangang budget ng Duterte admnistration.

Kaya naman sa ngayon hinihikayat ng PCSO ang publiko na ipagpatuloy ang pagtangkilik sa kanilang mga palaro upang makaipon ng pondo na ginagamit nila sa pag­tulong sa mga nangangailangang mamamayan. Ang panawagan ay ginawa ni PCSO General Manager Royina­ Marzan-Garma matapos na umaming bilyun-bilyong piso na ang nawala mula sa kita ng ahensiya sa loob ng apat na buwan na natigil ang kanilang lotto operations dahil sa COVID-19.

Ayon kay Garma, malaki ang naging epekto ng mga lockdown sa kita ng PCSO, na ginagamit nila bilang charity fund. Sinabi ni Garma na bagamat nakapagpatuloy na silang muli ng operasyon noong Agosto 7 ay maliit lamang ang kanilang kinikita kumpara sa expected sales nila kada buwan. Dagdag pa niya, kapag bumaba ang kanilang charity fund ay tiyak na bababa rin ang nirere­mit nilang pondo para sa Universal Health Care, gayundin ang kanilang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at iba pa.

“Mula nang mag-resume kami noong August 7, kumi­kita kami pero umaabot lang ng average of 15% lang ang sales namin compared doon sa expected na sales namin monthly. Supposed to be kumikita kami ng almost more or less P2 billion ng lotto sales per month pero ngayon, uma­bot lang kami ng P350 million per month,” sabi ni Garma­ sa isang panayam sa telebisyon. “So ‘pag bumaba ang charity fund, bababa ‘yong nire-remit namin sa Universal Health Care, contribution namin sa PhilHealth, bababa rin ‘yung mga shares ng mga pinagbibigyan namin na mandated kami magbigay,” dagdag pa niya.

Umaasa naman si Garma na ngayong may tatlong bettor ang sunud-sunod na naging milyonaryo dahil sa pagtaya sa lotto ay darami pa ang mga Pinoy na magiging interesado muling tumaya sa kanilang mga palaro. “Sana hindi lang ‘yong mga mahilig pong tumaya para suwertihin, ‘yong mahilig din sanang tumulong, bahala na kung suwertehin o hindi ay tumaya na rin sana ng lotto for the sake lang po na ‘yung pera mapupunta po sa charity naman,” sabi ni Garma.

Matatandaang noong Setyembre 3, isang bettor mula sa San Fernando, La Union ang nakakuha ng mahigit sa P49.7 milyong jackpot prize sa 6/42 regular lotto. Noong Setyembre 6 naman, napanalunan ng isang taga-Quezon City ang P339 milyong jackpot prize ng 6/58 UltraLotto. At noong Setyembre 7, napanalunan ng isang taga-Marikina ang jackpot prize na P24 milyon sa 6/45 MegaLotto. 

Kaya mga suki, tangkilikin natin ang mga palaro ng PCSO nang marami pa ang matulungang mahihirap na kababayan ngayong may pandemic crisis.

PCSO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with