Mga korap sa BOC at PhilHealth, kakalusin
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - September 5, 2020 - 12:00am

NATATANDAAN ko noong nakaraang SONA ni Pres. Rodrigo Duterte kapansin-pansin na dismayado siya sa mga opisyal na kanyang itinalaga, dala marahil sa hindi napahinto ang kalakaran ng droga at korapsyon. Hindi nakalusot sa galit ni Digong ang Bureau of Customs at PhilHealth. Napa PI si Digong sa mga korap na opisyal at nagbanta na siya mismo ang magdedemanda sa mga ito. Mukhang napuno na ang salop ni Digong sa pang-aabuso ng mga itinalagang opisyales.

Kung sa Customs kasi ang pag-uusapan tuloy pa rin ang korapsyon at malaki ang duda niya na tuloy pa rin ang illegal shipment ng droga kaya namamayagpag pa rin ang drug lords, pushers at users. Kung sabagay matunog pa rin naman ang bulong-bulungan na tuloy parin ang “tara-tara system” sa BOC kaya nangunguluntoy ang brokers at consignees na para makabawi ay sa consu­mers babawiin sa pamamagitan ng pagtaas ng presyo ng bilihin.

Sa PhilHealth, mula sa pinakamataas na opisyal hang­gang sa mga regional managers nito ay pinasisibak na rin ni Digong matapos lumabas ang resulta ng imbestigasyon ng Senado na lumustay ng bilyun-bilyon pondo. Hindi rin nakaligtas si Department of Health secretary Francisco Duque. Lumabas kasi na may mga hokus-pokus­ sa reinbursement payment sa pondo ng PhilHealth kaya nanggalaiti sa galit si Digong.

Kung naging maayos lamang kasi ang pagpalabas ng pondo ng PhilHealth at nagastos ito sa mga tunay na maysakit na mahihirap tiyak na hindi sana nasaid ang pondo. Kaya sa pag-urirat ng mga Senador, nagkaroon ng resulta na naging batayan para sila sampahan ng kaso. Mukhang marami pang sisibakin si Digong sa mga darating na araw, kasi sa ngayon na patuloy na lumolobo ang mga nahahawahan ng COVID-19 kinakapos na ang Duterte adminisration para tustusan ang mga mahihirap nating kababayan na isinasailalim sa lockdown.

Kaya kahit na hindi pa pormal na ginarantisaduhan ang vaccine mula sa Rusia at China ay pinayagan na ang ilang kompanya o establisment na makapagbukas ng kanilang negosyo upang magkaroon ng pagkakakitaan ang mga mahihirap nating kababayan. Malaking halaga rin ang kailangan ng Duterte administration sa pagpapauwi ng mga local stranded individuals mula sa Metro Manila.

Kasi nga lalong magkakasakit o mahahawahan ng COVID-19 ang mga LSIs na pansamantalang nagkukubol sa Libangan ng mga Bayani. Nagtitiis sila sa init at ulan sa bangketa sa pagbabasakaling makauwi sila sa kani-kanilang lalawigan. Ang masakit nito, may mga lalawigan na pansamantalang humingi ng time out sa pagpapauwi ng mga ito dahil lumobo rin ang local transmission ng COVID-19 mula sa mga pinauwing LSIs at overseas Filipino workers.

Sa Capiz mukhang hahantong na sa korte ang bangayan ng governor at mga mayor hinggil sa pagpapauwi ng LSIs at OFWs. May mga mayor kasi sa Capiz na pinadidiretso na lang sa mga barangay ang LSIs at OFWs na hindi na ipinatutuloy sa quarantine facilities. Tanda ito na nagmamatigasan na sila, ang masakit nito kapag kumalat ang COVID-19 sa mga brangay na inuwian ng LSIs at OWFs, kanya-kanyang hugas kamay na lang sila para maisalba ang kanilang ambisyon sa pulitika.

Subalit sa punto ni Digong mukhang seryoso na itong habulin ang mga korap at pabayang opisyales ng BOC at PhilHealth. Abangan!

BOC PHILHEALTH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with