Trabaho para sa Makati jeepney drivers
#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay (Pilipino Star Ngayon) - August 24, 2020 - 12:00am

Marami na ang nawalan ng hanapbuhay dahil sa pandemya, kabilang na ang mga jeepney driver na umaasa lamang sa kita sa pamamasada para tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng kanilang pamilya. No work, no pay ika nga. Dahil dito, kasama sila sa mga unang binigyan ng Makati ng ayuda sa pamamagitan ng tulong pinansiyal at grocery packs.

Nguni’t batid ng Makati na panandaliang kaluwagan lamang ang dala ng ayuda at food packs. Planong pangmatagalan ang kailangan ng mga jeepney driver. Kung pa­ano nila bubuhayin ang kanilang pamilya at kung paano sila muling makakapamasada.

Marami sa mga #ProudMakatizen jeepney drivers ang talaga namang “proud” at masisipag. Naghahanap sila ng hanapbuhay na may dignidad, na kaya nilang ipag­malaki.

Kaya noong binubuo ng Makati ang Mobile Learning Hub Project, kasama ang Department of Education-Makati­, naisip namin na bakit hindi  isama ang mga jeepney driver na ilang buwan na ring tigil pasada.

Pangunahing layunin ng Makati Mobile Learning Hub, na tinatawag na Dyipni Maki, ang matulungan ang mga mag-aaral at kanilang mga magulang sa pagsasanay­ sa bagong sistema ng edukasyon na “blended learning­”. Bukod dito, binibigyan nito ang mga guro at jeepney drivers­ na nawalan ng trabaho ng pagkakataong maka­paghanap­buhay muli, kasabay ng pakikibahagi sa isang makabuluhang adhikain.

Napagpasyahan ng Makati na gawing katuwang sa proyekto ang mga jeepney driver bilang tagapaghatid ng mga guro at librarian, gamit ang kanilang sasakyan, sa mga barangay. Lulan din ng bawat jeepney ang mga laptop na may internet connection, libro at iba pang learning­ materials na magagamit ng mga estudyante at kanilang mga magulang.

Sa pagbubukas ng klase, mag-iikot ang mga jeepney upang matulungan ang mga mag-aaral na walang gadget o anumang learning tool, at mga magulang na mahihirapang gabayan at turuan ang kanilang mga anak gamit ang self-directed learning modules.

Magsisimula ang Makati sa 27 jeepneys – isa sa bawat barangay. Tinatayang aabot sa 100 drivers kada linggo ang mabibigyan ng pagkakakitaan batay sa napag-usapan namin ng Makati Jeepney Operators and Drivers Association (MJODA). Uupahan ng Makati ang bawat jeepney ng P2,000 sa isang araw.

Masaya ang mga #ProudMakatizens sa proyektong ito dahil pangkarunungan na, dagdag pangkabuhayan pa!

* * *

Nais kong pasalamatan sina Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin at National Security Adviser Hermogenes Esperon, Jr. sa pagbibigay nila ng papuri at pagkilala sa mga ginagawa namin  upang mapigilan ang paglaganap ng COVID-19. Gaya nga ng madalas ko sabihin, mahirap man, alam kong kayang kaya natin sa Makati!

ABBY BINAY
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with