Palitan na silang lahat
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - August 21, 2020 - 12:00am

ITINIGIL na ni Senate President Sen. Tito Sotto ang pagdinig sa mga korapsiyon, anomalya at iregularidad sa PhilHealth matapos ang tatlong pagdinig dahil napuno na raw sila sa paikut-ikot na kasinungalingan at papalit-palit na pahayag mula sa mga opisyal ng ahensiya. Kumilos na nga ang Ombudsman sa pagsuspende ng ilang dati at kasalukuyang opisyal ng PhilHealth.

Nagulat nga ako na ang dating presidente ng PhilHealth na si Roy Ferrer ay ginawa palang assistant secretary sa Department of Health matapos mapilitang bumitiw dahil sa ghost dialysis scam. Patunay na umiikot lang ang mga tauhan ni President Duterte. Ngayon suspendido na siya.

Pero ang nais ng mga senador ay sibakin ni President Duterte ang mga mataas na opisyal ng PhilHealth kabilang sina Ricardo Morales at Senior Vice Presidents Renato Limsiaco Jr. at Jovita Aragona. Hindi rin sila sinuspende ng Ombudsman. At siyempre, tila ligtas pa si DOH Sec. Francisco Duque sa kanyang posisyon kahit ang ahensiya na kanyang pinamumunuan ay nasisira dahil sa korapsiyon.

Tandaan na si Duque rin ang kalihim ng DOH noong administrasyon ni Gloria Arroyo, kung saan naungkat muli ang mga ipinamigay na limang milyong libreng health card bago maghalalan noong 2004.

Mapapamura ka, ayon kay Sen. Migiel Zubiri. Putulan ng mga daliri ayon naman kay Sen. Bong Go. Tama na, ayon kay Sen Tito Sotto. Pero ang dapat pakinggan ay ang saloobin ng ordinaryong mamamayan kung saan nagmumula ang pondong kinukurakot lang. May nagsa­sabi na bakit pa sila magbabayad ng PhilHealth kung napupunta lang sa katiwalian.

Maririnig na naghihingalo na ang ahensiya at baka hindi na tumagal dahil sa kawalan ng pondo. Paano pala kapag sila ang magkasakit at mangailangan ng tulong mula PhilHealth na karapatan naman nila bilang miyembro?

Sana naman kumilos nga si Duterte sa pagsibak sa mga matataas na opisyal, lalo na’t kung may ebidensiya na nga ng katiwalian o iregularidad. Sana ang italaga sa mga mababakanteng posisyon ay mga tauhan na tunay na mapagkakatiwalaan, at hindi mga kaibigan o militar na naman. Maraming empleyado sa PhilHealth ang nananawagan na huwag silang husgahan lahat. Siguro nga.

Siguro dapat manggaling sa hanay ng PhilHealth mismo ang mamuno sa ahensiya. Panahon na para ayusin nang husto para maserbisyuhan ng maayos ang mga miyembro, at hindi ang mga opisyal at ang kanilang mga paborito o kaibigang ospital o doktor. At panahon na para palitan si Duque na lagi na lang kontrobersiyal.

DOH
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with