Phase 3 sa Pilipinas?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - August 18, 2020 - 12:00am

NAGLABASAN na sa social media ang mga biro, memes­ at iba pang katatawanan hinggil sa bakuna kontra COVID-19 na manggagaling sa Russia. Pero sa kabila ng mga pata­wang ito ay ang mensahe ng pangamba sa nasabing bakuna, na bukod sa masyadong mabilis nalikha, hindi nilalabas ng kompanyang naglikha ng bakuna sa Russia ang resulta o datos ng mga unang nabigyan ng bakuna.

 Kampanteng-kampante nga ang Russia na pinare­histro na raw ang bakuna at iginiit na pumasa na sa lahat ng pagsusuri at ligtas para magamit. Pero may mga eks­perto sa paglikha ng bakuna na hindi kampante. Una na nga ay ang kawalan ng datos na isinapubliko ng lumikha ng bakuna. Pangalawa ay hindi alam ang matagalang epekto sa mga binigyan umano sa Phase 1 at 2 ng human testing. Iilan lang ang nabigyan ng bakuna, kabilang na umano ang anak ni Russian Pres. Vladimir Putin. Kabilang na nga ang Pilipinas, Saudi Arabia at United Arab Emirates sa sinasabing Phase 3 ng clinical trials. Ibig sabihin, mga mamamayan ng bansa ang isasailalim sa testing ng bakuna kung epektibo sa kabila ng kawalan ng datos ng Phase 1 at 2.       

Ilang eksperto mula Russia ang mismong nagpahayag ng pag-iingat sa bakunang ipinagmamalaki na ng kompanyang lumikha. Masyadong mabilis, kulang ang datos, ano ang matagalang epekto sa tao. Ilan lang iyan sa mga tanong. Kung natatandaan ang Dengvaxia, dalawang dekada ang inabot sa paglikha nito bago inanunsyo na may bakuna na kontra dengue. Ganun pa man, may paha­bol na babala pang ginawa ang Sanofi nang mabigyan na ang libu-libong tao. Sa madaling salita, hindi alam ang lahat ng magiging epekto ng bakuna sa tao. Ito ang dahilan ng clinical trials. Para malaman ang lahat ng kailangang malaman, bago masabing ligtas na ang bakuna. Hindi ito puwedeng madaliin.

 Kung kasama ang bansa sa Phase 3 ng clinical trials kung saan libu-libo na ang bibigyan, dapat mga handang magboluntaryo lang ang bibigyan. Alam natin na nagbo­luntaryo na si President Duterte dahil kampante nga siya sa ginawa ng Russia at iniidolo niya si Putin. Pero agad naglabas ng pahayag ang Palasyo na baka hindi puwedeng bigyan si Duterte dahil sa kanyang edad. Lahat tayo ay umaasa sa isang bakuna na lubusang tatanggalin ang COVID-19 sa mundo, para makabalik na tayo sa normal na buhay. Pero anuman ang bakunang iyan, kahit sino ang lumikha, kailangang dumaan sa matinding pagsusuri bago ialay sa buong mundo.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with