May bakuna na?
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - August 14, 2020 - 12:00am

Nasa 143,749 na ang kabuuang bilang ng COVID cases sa bansa. Higit isang linggo na tayong naka-MECQ sa Metro Manila. May datos na ba ang DOH para makita kung nakakatulong nga ang MECQ? Nagsalita naman si DND Sec. Lorenzana na handa na raw ang NCR na mapasailalim sa GCQ, batay sa umanong pababang bilang ng mga kaso mula Agosto 2. May mambabatas na nais palawigin ang MECQ ng dalawa pang linggo. Pero naniniwala si Lorenzana na hindi na kaya ng NCR ang mapalawig ang MECQ ng dalawang linggo at bagsak na bagsak na raw ang ekonomiya. Mas marami raw ang mamamatay sa gutom kaysa sa COVID-19.

Wala namang argumento na bagsak na bagsak na ang ekonomiya hindi lang sa NCR kundi sa buong bansa. Ayon naman sa Palasyo, ang IATF ang magpapasya kung ano ang mabuting gawin pagsapit ng Agosto 18. Siguradong titingnan kung ang bilang ng mga kaso ay patuloy pang tumataas o pababa na. Anuman ang magiging desisyon ng IATF, walang magagawa ang mamamayan kundi sumunod. Asahan na lang natin na itong susunod na linggong MECQ ay bumababa na nang husto ang bilang.

May nalikhang bakuna na raw ang isang kompanya sa Russia, at handa nang gamitin umano rito sa bansa. Hindi ba’t nagpahayag si President Duterte na handa siyang magpaturok ng nasabing bakuna? Kampante siya na ang nalikhang bakuna sa Russia ay makakatulong­ sa tao. Pero iba naman ang opinyon ng mga grupo ng doktor.

Ayon kay Jose Santiago, presidente ng Philippine Me­dical Association (PMA), dapat maging maingat muna ang bansa sa pagtanggap ng nasabing bakuna dahil hindi pa alam ang magiging side effects nito sa tao. Dalawang buwan lang daw ang lumipas ng human trials bago inaprubahan ng Russia. Kailangan hintayin ang magiging epekto sa tao.

Ewan ko, pero kailangan ngang maging maingat sa nasabing bakuna. Hindi ganyan kadali lumikha ng bakuna laban sa virus. May mga virus na may iba’t ibang «strain» o katangian. Marami ang hindi pa nalalaman sa COVID-19. At tila minadali ang human trials o ang pag-testing sa tao. Dalawang buwan lang? Sa 2,000 tao lang? Ano ang naging epekto sa mga binigyan? Hindi nga ba sila nahawahan ng COVID-19?

Kulang na kulang pa ang datos na inilabas ng Russia hinggil sa bakuna nila. Nangako naman ang DOH na idadaan nila sa matinding pagsusuri ang nasabing bakuna bago aprubahan. Pero magpapaturok nga ba kaagad si Duterte at kampanteng-kampante siya sa Russia?

COVID-19 VACCINE MECQ
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with