Kaliwa’t kanang imbestigasyon
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - August 11, 2020 - 12:00am

PINAGPAPAHINGA ng kani-kanilang doktor sina PhilHealth President Ricardo Morales at Executive Vice-President Arnel de Jesus. Ito ang kanilang dahilan para hindi na muna dumalo sa sunod na pagdinig sa Senado sa Martes kaugnay sa mga kontrobersiya at katiwaliang naga­ganap umano sa ahensiya. Si Morales ay may lymphoma at si De Jesus naman ay may sakit sa puso.

Tataas talaga ang iyong kilay kung matagal na silang maysakit, bakit ngayon lang lumalabas habang may mga alegasyon ng katiwalian sa PhilHealth. Hindi na rin ako nag­tataka sa ganyang balita kapag nag-iimbestiga na ang Senado. Nangako naman si Morales na magpapa­tuloy­ ang kanyang kooperasyon sa imbestigasyon sa pamamagitan ng teleconferencing.

 Bumitiw naman sa puwesto si PhilHealth Senior Vice President for Operations retired Brig. Gen. Augustus de Villa, pero nangako rin ng kooperasyon sa imbestigasyon. May rekomendasyon na rin ang Presidential Anti-Corrup­tion Council (PACC) na kasuhan ang 13 opisyal ng PhilHealth na hindi na muna pinangalanan.

Ayon sa PACC, baka marami pa ang madagdag sa kani­lang listahan habang nauungkat nang husto ang katiwaliang nagaganap sa PhilHealth. Wala raw isang sindikato kundi maraming grupo na may kanya-kanyang teritoryo na hawak pagdating sa paglabas ng bayad sa mga ospital at doktor. May imbestigasyon na rin ang DOJ na tutulungan ng Civil Service Commision (CSC), COA at Ombudsman.

Sa rami-rami na ng nag-iimbestiga sa mga anomal­yang nagaganap sa PhilHealth, milagro na lang kung wala silang makuhang ebidensiya para patunayan ang mga alegasyon. At kung may mga ebidensiya nang hawak ang sinumang nag-iimbestiga, sana naman ay sibakin na ang akusadong opisyal at kasuhan na kaagad.

Naghihintay ang mamamayan ng mga sagot. Ang mamamayan ang nagbibigay ng pondo sa PhilHealth kaya tama lang na sila ang dapat masabihan ng katotohanan. Hindi puwedeng sabihin na kailangang dagdagan ang kontribusyon ng mga miyembro kung ganyan naman ang pamamalakad. Siguradong inaantabayanan ng lahat kung ano ang bagong masisiwalat sa Martes.

PHILHEALTH RICARDO MORALES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with