Pool testing para sa COVID-19: Mabilis na, mura pa
#PROUDMAKATIZEN - Abby Binay (Pilipino Star Ngayon) - August 10, 2020 - 12:00am

Para sa maraming eksperto, ang pinakamahalagang bagay­ para ma-control ang COVID-19 pandemic ay TESTING. Ang mabilis, tama at laganap na testing ang magiging­ batayan ng contact tracing at paggawa ng ukmang poli­siya para sa business reopening at sa isolation/quarantine protocols. Ito rin ang magbibigay kumpiyansa sa mga tao na lumabas at tangkilikin muli ang kanilang mga pabo­ritong pasyalan, tindahan at restaurants.

Balewala ang anumang pagbukas ng ekonomiya kung takot sa COVID-19 pa rin ang umiiral sa komunidad.

Sa Makati, mahigit 4 na milyon na tao ang pumapasok­ kada araw para magtrabaho o magnegosyo. Kaya para sa pamunuan ng financial capital ng bansa, mahalaga na may mabilis, tama at laganap na COVID-19 testing. Sa nga­­yon, ang “pooled testing” ang itinuturing na isa sa pina­­kabago, maaasahan at mabilis na RT-PCR testing method.

Sa pooled testing, sabay-sabay na pagsusuri sa swab samples na kinuha sa iba’t ibang inidibiduwal na bumubuo sa isang pool o batch. Kapag nag-positibo ang resulta, lahat ng kasama sa batch ay isa-isang isa-swab test at susuriin nang magkakahiwalay ang mga sample. Kapag negatibo, hindi na kailangan pang i-test ang lahat ng ka­sama sa grupo.

Inaasahang maraming benepisyo ang idudulot ng pooled testing sa mga LGU maging sa mga negosyo, opisina at tindahan. Bukod sa makakatipid sa test kits dahil hindi na isa-isang susuriin ang swab specimens, mababawasan din ang workload ng testing laboratory staff. Mas madali ring matutukoy ang malalaking grupo ng negative o positive cases, at mas mabilis na maii-isolate ang mga positibo sa COVID-19. Higit sa lahat, makapagbibigay ito ng mas maayos at malinaw na gabay sa mga LGU at mga negosyo sa kanilang pagpapasiya ng mga polisiya at pagpapatupad ng nararapat na mass testing protocols.

Sa Agosto 15, sisimulan ng Makati ang pagsasagawa ng Pooled RT-PCR Testing for COVID-19. Makati ang kauna-unahang pamahalaang lokal na magsasagawa nito. Sa first phase, target ang 6,000 tricycle at pedicab drivers, 2,000 jeepney drivers, at nasa 1,705 market vendors na pawang lantad sa virus dahil sa kanilang hanapbuhay. Kasama rin sa isinaalang-alang ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero at mamimili. Sa second phase, mga buong komunidad naman ang sasailalim sa pooled testing.

Sa ilalim ng memorandum of agreement na nilagdaan noong August 5, maghahati ang Makati at ang BDO Foundation sa P5-milyong pondong inilaan para sa proyekto. Ang Philippine Children’s Medical Center (PCMC) ang magbibigay ng orientation at training sa health team ng lungsod at iba pang partners tuad ng Philippine Center for Entrepreneurship. Ang PCMC din ang ang magsasagawa ng actual testing at pag-interpret ng test results.

Anuman ang magiging mga resulta at kaalaman na makukuha namin sa isang buwang pagsasagawa ng pooled testing, nakahanda kaming ibahagi ang mga ito sa aming mga kapwa LGU at sa mga nasa pribadong sektor. Hangad naming makatulong sa abot ng aming makakaya upang tagumpay nating mapigilan ang pandemya at sama-samang bumangon at magsimulang muli para sa mas ligtas, malusog at masaganang bukas.

COVID-19
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with