Editoryal - Libreng face masks bakit wala pa?
Editoryal - Libreng face masks bakit wala pa?
(Pilipino Star Ngayon) - August 7, 2020 - 12:00am

Nangako si President Duterte noong Hulyo 21 na bibigyan nang libreng face masks ang mamamayan. Ipamamahagi umano ito sa mga walang face masks para hindi mahawahan ng virus. Kahit gaano raw karaming face masks ay bibili ang pamahalaan. Puwede naman daw gamitin ang face masks ng dalawang beses. Ispreyan lang daw ng alcohol.

Nagbiro pa ang Presidente na kung walang alcohol­ o disinfectant, ilubog na lang sa gasolina at diesel ang face masks para mamatay ang #@*%! COVID. Hindi raw uubra ang COVID sa gasolina. Ibabad lang daw pero huwag daw sa loob ng bahay ito gagawin.

Binatikos ang sinabing ito ng Presidente. Sabi ng health experts, hindi puwedeng disinfectant ang gasolina. Sabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque, nagbibiro lang daw ang Presidente sa sinabi ukol sa gasolina na pang-disinfect. Pero humirit uli ang Presidente at sinabing hindi raw siya nagbibiro na puwedeng gamitin ang gasolina.

Sabagay, marami naman ang naniniwala na hindi naman puwedeng disinfectant ang gasolina kontra virus. Pairalin na lang ang sentido komon. Ang hini­hintay ngayon ng mamamayan ay ang ipamamahaging face masks. Nasaan na ang mga ito? Kaila­ngan ito ngayon lalo na sa mga lugar na mataas ang hawahan.

Noong Martes, isinailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Cavite, Rizal, Laguna at Bulacan dahil sa kahilingan ng medical frontliners. Mataas ang bilang ng infected sa mga nabanggit na lugar. Dapat naka-face masks ang lahat.

Sa Presidente na rin nanggaling na ang face masks ay mabisang pananggalang sa coronavirus. Mariin niyang sinabi na mahalaga na magsuot ng face masks ang lahat para maprotektahan ang sarili.

Kung ganun, nasaan na ang face masks? Ipamahagi na ang mga ito para makaiwas sa pagkahawa ang mamamayan.

Nararapat din namang turuan ang mamamayan sa tamang paggamit ng face masks. Hindi ito displey lang. Marami sa mamamayan na nasa panga ang mask at merong nakasabit lang sa taynga. Gabayan sila sa paggamit at dapat din na hindi ito basta-basta itatapon sa kung saan-saan pagkatapos gamitin. Ilagay ang mga ito sa tamang basurahan.

FACEMASK PRESIDENT DUTERTE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with