OGPI, tumugon sa gobyerno
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - July 18, 2020 - 12:00am

SA liderato kaya ng kapulisan ang deperensiya kaya kali­wa’t kanan ang kawalanghiyaan ng mga pulis? Sa naka­raang kolum, naitanong ko kung epektibo pa ba si PNP chief Gen. Archie Gamboa sa pamamalakad ng kanyang mga kapulisan. Hindi ko nilalahat, pero may mga pulis na gumagawa ng kabulastugan habang marami rin naman ang mga pulis ang nahahawahan ng COVID-19 dahil sa pagtupad ng kanilang sinumpaang tungkulin. Hindi naman lihim sa sambayanan ang isyu sa “mañanita” ni NCRPO chief Maj. Gen. Debold Sinas na lumabag sa health protocol. Hindi matanggap ng sambayanan ang pagsalo ni Pres. Rodrigo Duterte sa police official dahil kapag ang samba­yanan naman ang lumabag sa health protocol, humahantong sa kulungan o asunto.

Wala akong masamang intensyon kay Sinas dahil ibinuhos naman nito ang kakayahan na maipatupad ang health protocol subalit tila ito ang naging hudyat sa sunud-sunod na kapalpakan ng kapulisan. Mistulang binabalewala ng iilang pulis ang internal cleansing ni General Gamboa sa kabila na mataas na ang suweldo ng mga ito, hehehe! Ang masakit, mismong mga kabaro nila sa PNP ang umaaresto  at ang ilan naman ay nalambat ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Kaliwa’t kanan naman ang accomplishment ni Brig. Gen. Ronald Lee sa pag-intrap sa mga korap na pulis. Marami ang sangkot sa pangongotong, pagtutulak ng droga, pag-operate ng mga illegal na tupada, panggagahasa at isama pa ang pagkapatay sa apat na sundalo ng Philippine Army sa Sulu.

Kamakailan, napabalita ang pangongotong ng apat na miyembro ng PNP-Maritime Group na naka-base sa pier 7 ng Masbate City. Ayon sa report, nahuli ang apat na pulis na tumatanggap ng libu-libong pera sa may-ari na bangka na si Donato Villaciran. Ang mga nahuli ay sina Maj. John Cularan, SSgt. Rommel Naval ng 502 ng Maritime Office, Lt. Melencio Huela at SSgt. Ronald Puerto. Nahaharap sila ngayon sa kaso at malamang na hindi na nila matatamasa ang taas ng kanilang suweldo at retirement.

Samantala, 14,000 na mga frontliners sa Nueva Vizcaya at Quirino ang nakinabang sa tulong ng Oceana Gold Philippines, Inc. (OGPI). Ang programa ay tugon ng kompanya sa panawagan ng gobyerno na magbayanihan laban sa COVID-19. Ang OGPI ay kabilang sa mga pribadong kompanya na unang naghatid ng tulong para sa mga frontliners sa dalawang nabanggit na probinsiya. Kabilang sa mga naibigay ng OGPI ay surgical masks, disposable gloves, K95 masks, alcohol, PPE, bed mats, grocery packs, at iba pang medical supplies para sa frontliners. Ibinahagi ng kompanya ang mga ito sa iba’t ibang kawani ng ospital, health center, at police at military checkpoints sa Nueva Vizcaya at Quirino.

Malaking bahagi ng tulong ang naibigay sa Region II Trauma and Medical Center, na gumagamot sa mga may COVID mula sa Batanes, Cagayan, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at Ifugao. Simula noong Marso, patuloy ang pagsasagawa ng OGPI ng relief operations at humanitarian mission para matulungan ang frontliners. Nais ipabatid ng OGPI ang kanilang kahandaan sa pagtulong sa frontliners na walang tigil na nagtatrabaho laban sa coronavirus.

ARCHIE GAMBOA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with