Ang pagtutuos
REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. (Pilipino Star Ngayon) - July 9, 2020 - 12:00am

Sa mismong araw kasunod nang mapirmahan ng Pangulo ang Anti-Terror Law, agad nang naisampa sa Supreme Court ang mga petisyong kumukuwestiyon dito. Matagal na ring palaisipan sa marami ang mga probisyon ng panukala – kung ito ay naaayon sa mga garantiya ng Saligang Batas ukol sa malayang paggamit ng karapatang pantao.

Sa haba ng litanya laban sa batas, hindi kasya sa aking­ munting column ang usapan. Sapat nang tanggapin na hindi perpekto ang nangyaring pag-akda. Kung titingnan nga ang kasaysayan ng pagpasa ng Anti-Terror Law, bagama’t malawak sa pampublikong usapan ang naging debate rito, pagdating sa Kongreso kung saan ito dapat nahimay nang husto, halos hindi ito nakaranas ng mariing pagsuri. Sa mababang kapulungan ay minadali. Sa Senado naman ay kagulat-gulat ang kawalan ng nakagawiang pag-aaral tulad ng nangyayari sa mga mahahalagang batas. Ang mga aasahan mong lulutang laban sa anumang uri ng paghihigpit sa kalayaan ng tao ay biglang naglaho na parang bula.

Sa mismong taong bayan tuloy nauwi ang responsibilidad na tutulan ang sa tingin nila’y hindi makatwiran. Hindi lamang sa pagsampa ng mga petisyon sa hukuman kung hindi pati na rin sa pagpahiwatig ng kanilang saloobin sa social media. Maging ang ating mga celebrity ay nakikiisa sa maraming pagkilos laban dito. Malinaw na dinidibdib ng Pilipino ang kinalabasang anyo ng Anti-Terror Law at nanga­ngamba ang marami sa maaring masamang epekto nito.

Kaakit-akit lagi sa namamahala ang mga pamama­raang magpapadali sa kanilang kampanya laban sa tero­rismo. Lalo na sa panahon ngayon na higit na pinapadali ng teknolohiya na maabot ng terorista ang kanilang pakay, maganda rin sana kung madagdagan ang kapangyarihan ng estado. Ang problema nga lang ay masasalisihang tiyak ang mga karapatan ng mamamayan.

Nasa Hukuman na ang laban. Dito titimbangin ng pinal ang argumento sa pagitan ng interes ng karapatang pantao at sa interes ng pamahalaan na proteksyunan ang karamihan laban sa terorismo. Alin ang mananaig? Ang sagot dito ay batay sa pag-unawa ng ating mga mahistrado sa nakasaad sa ating Saligang Batas.

SC
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with