^

PSN Opinyon

Kalaboso sa pekeng passport (Una sa 2 bahagi)

IKAW AT ANG BATAS! - Atty. Jose C. Sison - Pilipino Star Ngayon

Ang illegal recruitment ay ang pangako o alok na trabaho sa isang tao kapalit ng bayad ng isa na hindi naman lisensiyado para pumasok sa ganoong aktibidad. Ito ay ipinagbabawal at pinarurusahan sa ilalim ng batas (Art. 38 in relation to Art. 13 & 39 Labor Code). Kung ang biniktima ay tatlo o higit pa, itinuturing itong large scale illegal recruitment na may parusang habambuhay na pagkabilanggo at multang P100,000.

Ito ang isa sa krimen na sangkot ngayon sa kaso kasama na rin pati estafa dahil sa ginawang paghingi ng pera sa mga biktima sa pamamagitan ng pagpapanggap at panloloko sa ilalim ng Art. 315 ng Revised Penal Code. Sa kaso rin ngayon, ang pangunahing isyu ay ang kredibilidad ng mga testigong nagreklamo sa akusado.

Ang kasong ito ay tungkol kay Liza Sagum at sa magkakapatid na Ramon, Kaloy at Linda Serrano (hindi totoong pangalan). Magsasaka si Ramon na nakatira sa probinsiya. Gusto niyang magtrabaho sa ibang bansa at gumawa na siya ng aplikasyon para mangibang-bayan. Dinalaw siya sa bahay ng kumpare niyang pulis na si Aldo kasama si Liza na ipinakilalang recruiter para sa mga gustong magtrabaho sa ibang bansa.

Kinumbinse ni Liza si Ramon na kaya niyang gumawa ng paraan para masiguradong makakapagtrabaho ang lalaki sa Japan sa loob lang ng dalawang buwan bilang factory worker basta’t makapagbigay lang ng paunang bayad na P5,000. Pinirmahan ni Ramon ang aplikasyon na binigay ni Liza.

Isang linggo ang lumipas, muling bumalik kay Ramon sina Aldo at Liza. Hinihingi nila ang bayad na P5,000 pero ang naibigay lang ni Ramon ay P2,500. Hindi siya binigyan ng resibo ni Liza. Pero kinumbinsi na humanap pa ng ibang interesadong magtrabaho sa ibang bansa. Kaya ipinakilala ni Ramon si Liza sa kapatid niyang si Kaloy na isang ma-ngingisda at sa kapatid niyang babae na si Linda bago siya bumalik sa probinsiya.

Kasama ni Aldo, nakipagkita sa opisina ni Liza sina Kaloy at Linda. Pinapirma ang mga biktima ng aplikasyon para magtrabaho bilang factory worker sa Japan. Sumunod na araw, bumalik si Kaloy at personal na ibinigay kay Liza ang paunang bayad na P2,000. Nadagdagan pa ang mga bayad hanggang umabot ng P70,000 pero hindi nagbibigay ng resibo si Liza. Sa kabilang banda, nakapagbigay din si Linda ng pera kay Liza na umabot ng P20,500 kapalit ng pangakong makakapagtrabaho siya sa ibang bansa.

Masaklap ang sinapit ng magkakapatid. Napag-alaman na ang mga Philippine passport at Japanese visa na binigay ni Liza kina Ramon, Kaloy at Linda ay peke ayon sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Bureau of Immigration (BI).

Gumawa pa ng sertipikasyon ang Philippine Overseas Employment Agency (POEA) na hindi lisensiyadong recruiter si Liza. Kaya nagsampa ng kasong kriminal para sa illegal recruitment at estafa ang magkakapatid laban kay Liza.

Sa paglilitis, iniharap na testigo ng prosekusyon ang magkakapatid na nagkuwento tungkol sa mga detalye sa malinaw, diretso at tapat na paraan. Sa kabilang banda, todo tanggi naman si Liza sa mga akusasyon laban sa kanya at ang palusot ay nasa negosyo lang siya ng paglalakad ng mga dokumento ng mga taong magtatrabaho sa ibang bansa.

Isa raw siyang lisensiyadong contractor at kumikita ng P50,000 kada buwan. Dati rin daw siyang namamahala ng negosyong may kinalaman sa general service at tumatanggap ng P10,000 hanggang P15,000 kada buwan.

Tinakot at pinilit ni Liza si Ramon na gumawa ng salaysay na binabawi ang akusasyon sa tulong ng kasabwat niyang si Aldo. Nagpanggap pa si Liza na maysakit para lang makalabas ng kulungan habang dinidinig ang kaso.

(Itutuloy)

LABOR CODE

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with