EDITORYAL - Huwag munang magsaya di-pa natatalo ang virus
(Pilipino Star Ngayon) - July 2, 2020 - 12:00am

Natuwa ang Malacañang noong Martes dahil hindi nagkatotoo ang prediksiyon ng isang pro­pesor sa University of the Philippines (UP) na aabot sa 40,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa bago mag-Hunyo 30. Ang prediksiyon ay sinabi ni Professor Guido David ng UP-Institute of Mathematics sa isang press briefing sa Department of Health noong Hunyo 11.

Tuwang-tuwa si Presidential Spokesman Harry Roque sapagkat katapusan na ng buwan at bigla niyang nasabi na “Panalo na tayo. We beat the UP prediction. We beat it! So congratulations, Philippines. Let’s do it again in July.’’

Nakakatuwa naman talaga na hindi nangyari ang prediksiyon sapagkat nakapanlulumo ang 40,000 na kaso na kanilang sinabi. Pero malapit na rin ang bilang na iyon sa lumabas na kaso noong Martes na 37,514. Hindi rin naglalayo sa forecast.

Kung mapapaunti pa ang bilang ng kaso sa mga susunod na araw, dito lubos na mapapalundag sa tuwa ang mamamayan na sabik na ring mamuhay nang normal. Gusto na rin nang marami na makabalik sa dating sigla ang buhay at ganundin naman siyem­pre ang lakas ng ekonomiya.

Dapat paigtingin pa ang paghihigpit lalo sa mga lugar na mataas pa ang kaso ng COVID. Huwag ha­­­yaan ang mga nagkukumpol-kumpol para ma­iwasan ang paghahawahan. Higpitan ang mga matataong lugar. Noong isang araw, dumagsa ang mga tao sa CCP complex para mamasyal. Nang bumuhos ang ulan, nagkumpulan sila sa shades at nawala na ang social distancing. Nagdikit-dikit na. Hindi pa dapat buksan sa publiko ang mga pasyalan o mga parke sapagkat dadagsain ito ng mga tao.

Huwag titigil ang mga awtoridad sa pagsaway sa mga walang face mask sapagkat napatunayan na ang face mask ang mabisang pananggalang sa droplets na may virus. Sa kasalukuyan, marami ang naka-face mask subalit hindi maayos ang pagkakasuot. May nakalitaw ang ilong at ang iba naman ay nasa dakong panga na. Mayroon din na nakasabit lang sa taynga ang face mask.

Narito pa ang kalaban at naghihintay pa ng mga mabibiktima. Huwag munang magkampante. Hindi pa dapat balewalain ang sinasabi ng mga awtori­dad na mag-ingat para hindi mahawa ng virus. Kung hindi rin lang mahalaga ang gagawin sa labas, manatili na lamang muna sa bahay. Mas ligtas sa bahay. Kapag tuluyang bumaba ang kaso ng COVID dito tayo magsasaya.

UNIVERSITY OF THE PHILIPPINES
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with