EDITORYAL - Mga guro na walang gadgets, tulungan
(Pilipino Star Ngayon) - July 1, 2020 - 12:00am

Hindi lamang mga estudyante ang problemado­ sa gagamiting computer, laptop, tablets at iba pang gadgets sa pagbubukas ng klase sa susunod na buwan kundi pati na rin ang mga guro. Hanggang ngayon, mahigit isang buwan na lang at umpisa na ng klase, maraming guro ang wala pang gadgets at hindi nila alam kung paano ma­ka­kasunod sa bagong mode ng pagtuturo o ang tinatawag na blended learning. Sa sitwasyon nga­yon na wala pang natutuklasang bakuna laban sa coronavirus, maaaring tumagal ang mode ng pagtuturo sa pamamagitan ng computer, tablets, laptop, radio at TV.

Ayon sa DepEd, ang mga bata na nasa liblib na lugar na hindi naaabot ng kuryente at walang internet access, mga printed  modules ang ipada­dala sa mga ito. Dadalhin ng mga guro ang modules buwan-buwan. Kakailanganin lang ang gabay ng magulang para maturuan ang anak.

Nagsimula ang enrolment noong Hunyo 1 at natapos kahapon. Ayon sa DepEd, may naitala na silang 15,182,075 enrollees sa pampubliko at pri­badong eskuwelahan. Mababa umano ang bilang na ito pero ayon sa DepEd, maaaring madag­dagan pa. Inaaalam pa kung magkakaroon ng extension­ sa enrolment. Sa pamamagitan ng online ang pag-eenrol ng mga bata para makaiwas sa pagdagsa ng mga magpapatala.

Bagong mode ng pagtuturo, dagdag din namang­ problema sa mga guro na kapos sa ibibili ng gadgets. Karamihan ay walang laptop at tablets sa­pagkat maliit lang ang kanilang sahod. Sabi naman ng DepEd, may cash assistance o ang tinatawag na internet allowance ang mga guro. Ang iba, ma­aaring bumili muna ng laptop o tablets mula sa sariling bulsa at saka ire-reimbursed ang nagastos.

May LGUs na nagbigay ng computer at laptops sa mga estudyante at nanguna na rito si Quezon City Mayor Joy Belmonte. Namigay ng tablets si Belmonte sa mga high school students sa pam­publikong pa­aralan noong nakaraang buwan. Nagkaloob din siya ng internet allowance sa mga guro. Ang gani­tong aksiyon ang dapat ding gawin ng iba pang mayor para maipagpatuloy ang pag-aaral lalo na ang mga mahihirap na estudyanteng proble­mado kung saan hahagilap ng gadgets.

DEPED
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with