Lotto ticket na inabot ng lockdown, bobolahin
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - June 16, 2020 - 12:00am

PINAPLANTSA na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang pagbabalik matapos ang may tatlong buwang pagsasara dahil sa lockdown. Sinabi ni PCSO General Manager Royina Garma na inaayos na nila ang minimum health standards na kakailanganin sa pagbubukas ng mga outlet para sa Small Town Lottery, Lotto, Keno, Sweepstakes at Scratch-it. Ayon kay Garma, lumiham na siya kay President Duterte para sa kanilang pagbabalik-operasyon at hinihintay na lamang ang pag-apruba rito.

Tinatapos na rin nila ang minimum standards para sa health protocols na requirement ng Inter-Agency Task Force (IATF) para matiyak na ang pagbabalik nila sa operas­yon ay hindi magdudulot ng hawahan. Kasama sa mga ilalatag na patakaran ang pagsusuot ng face mask at ang pagpapatupad ng physical distancing sa pagpila sa mga lotto outlet.  Kailangan ding maglagay ng screen o plastic cover sa pagitan ng ahente ng lotto outlet at sa mga mananaya. Mahigpit na ipagbabawal na mamasukan na lotto agent ang 21 anyos pababa at 60 anyos pataas. Inuuna ng PCSO ang kaligtasan ng mga empleyado at mananaya bago ilarga ang operasyon.

Magaling mamahala sa ahensya si Garma. Upang masigurong ligtas ang mga tumatangkilik ng palaro ng PCSO  inihahanda na ng ahensya ang pagsasagawa ng “digital” system sa pagtaya. “Ine-encourage namin. In fact hindi lang po sa lotto especially sa STL (small town lottery) sa aming proposal ang paggamit ng mobile app at ang pag-allow na gumamit ng automated betting machine kung saan hindi na kailangan ng face-to-face setting through marketing tools na makataya ang ating mga manlalaro,” sabi ni Garma. Inihayag din niya na planong magsagawa ng “special draw” para sa mga mananaya na nakabili ng advanced ticket ngunit inabot ng lockdown. “Once we will resume operations, 15 days po ito na magkakaroon kami ng special draw,” pahayag ni GM. Garma. “Itong six days na nakabili na po ang taongbayan ng advance ticket, idu-draw po namin ‘yan once na magre-resume kami.”

Kayat mga suki, ito na ang inyong pagkakataon na hanapin ang inyong mga ticket na inabot ng lockdown dahil may pag-asa kayong maging milyonary sa special draw ng PCSO.  Ayon pa kay Garma, “Kung mananalo sila, ang importante lang po is naitago nila ang ticket nila, so valid pa rin po lahat po iyon.”

Marso 18, 2020 nang suspendihin ng PCSO ang operasyon ng kanilang lotto outlets makaraang isailalim ang Luzon sa enhanced community quarantine (ECQ). 

PCSO ROYINA GARMA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with