Unahing pauwiin ang mga stranded
BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas (Pilipino Star Ngayon) - June 13, 2020 - 12:00am

MAY katwiran si Balik-Probinsya Program Executive Director Marcelino Escalada na suspendihin muna ang biyahe ng mga aplikanteng uuwi sa kani-kanilang mga lalawigan dahil may mga local government units (LGUs) na tutol tanggapin ang mga ito. Isa pang problema ay ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 na ngayon ay mahigit 24,000 na.

Malaking hamon ito para sa LGUs sa mga probinsiya kung ngayon pauuwiin ang mga kuwalipikadong residente. Subalit pagdating naman ng mga ito sa mga probinsiya ay sasaluhin ng mga LGUs ang problema katulad na lamang sa kawalan ng hanapbuhay, kakulangan sa pagkain at pagtitirikan ng kani-kanilang bahay. Kailangan din silang isailalim sa 14 days quarantine. Siguradong kakapusin sa pasilidad at pagkain ang mga LGUs dahil hilahod na rin sila sa kakulangan ng pondo.

Ang masaklap pa, kapag may magpositibo, magkaka­hawa-hawa sa komunidad dahil iilan lamang ang mga doctor at ospital na maaaring pagdalhan sa mga ito. Di tulad sa Metro Manila na may isolation facilities at mga pampublikong ospital. Kaya sa isyung Balik-Probinsya Program, dapat pag-isipan muna bago tuluyang ipatupad.

Kahapon, maraming stranded passenger ang sumilong sa flyover ng NAIA Expressway dahil napabalitang makakasakay na sila ng eroplano patungo sa kani-kanilang lalawigan. Kasama rin dito ang mga overseas workers na matagal nang nasa quarantine facilities sa Pasay City. Dumagsa ang stranded passengers dahil kulang sa koordinasyon ang mga ahensya ng pamahalaan para makakuha ng tamang schedules ng flights.

Mabilis namang umaksiyon si Pasay City Mayor Emi Calixto Rubiano na pinakain ang mga stranded at nilipat sa Villamor Airbase covered court. May mga good samaritans na nag-abot din ng tulong. Kasunod ay sumaklolo na ang Philippine Coast Guard at Pasay City police station at hinakot ang mga stranded sa Villamor. Kakaawa ang mga stranded na nakahiga sa semento na sinapinan ng karton.

Kaya ang Balik-Probinsya ay nararapat na pag-aralan muna bago ito ilarga. Kausapin muna ang LGUs kasama na ang Inter-Agency Task Force nang maplantsa ang pagpapauwi sa mga kababayan natin. Hindi naman kaila na kaya marami ang tao sa Metro Manila ay dahil walang hanapbuhay sa mga lalawigan. Tanging pagsasaka at pangingisda lang. Ang dapat siguraduhin ng Duterte administration na magkaroon ng mga factory o industrial investment sa mga lalawigan na mapapasukan ang mga pauuwiin upang hindi na sila bumalik sa Metro Manila.

Malaking tulong din ito sa LGUs dahil uunlad ang kanilang lalawigan kung may mga hanapbuhay na ang mga magbabalik-probinsya. At upang maging ligtas ang mga lalawigan dapat lamang na gumala rin si DOH secretary Francisco Duque nang makita niya ang kakulangan ng ospital at doctor. Huwag puro papogi na lang sa media. Abangan!

BALIK-PROBINSYA PROGRAM
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with