Ang paninigarilyo at emphysema
DOC WILLIE - Dr. Willie T. Ong (Pilipino Star Ngayon) - June 11, 2020 - 12:00am

Ang emphysema ay sakit sa baga dulot nang matagal na paninigarilyo at paglanghap ng polusyon sa hangin. Ang baga ay may mga maliliit na air sacs kung saan pumapasok sa katawan ang oxygen at lumalabas ang carbon dioxide.

Dahil sa usok at polusyon, puwedeng masira ang mga air sacs ng baga at mapigilan ang pagpasok ng oxygen sa katawan. Dahil sa sigarilyo, tumitigas ang baga, nag-iipon ang plema at nahihirapan nang huminga ang pasyente.

Ano ang gamot sa emphysema? Wala pa talagang lunas ang emphysema. Kapag nasira na ang ating baga, hindi na ito maiaayos muli. Hindi naman natin puwedeng operahan at palitan ang baga.

Ano ang nagiging buhay ng taong may emphysema? Lagi silang hirap huminga. Kaunting lakad lang ay parang kapos na sa hangin. Mayroong mga inhalers na ibinibigay ang doktor (umaabot sa P1,000 ang halaga nito) na puwedeng makatulong. At sa bandang huli, kailangan na ng oxygen tank sa bahay para lang makahinga.

Kung ayaw ninyong magka-emphysema, sundin ang mga sumusunod:

1.  Ihinto ang paninigarilyo. Hindi pa huli ang lahat para itigil ito. Basta itinigil ang paninigarilyo, mapipigilan ang tuluyang pagkasira ng baga.

2. Umiwas sa lugar na may naninigarilyo. Kapag may kasama kang naninigarilyo, para ka na ring nanigarilyo ng tatlong sticks sa bawat oras na kasama mo siya.

3. Palakasin ang muscle sa dibdib. Mag-ehersisyo gamit ang 1 kilong dumbbell sa bawat kamay. Palakasin ang masel sa leeg, balikat at dibdib para mas makahigop ng hangin.

4. Kumain ng anim na beses sa isang araw pero kaunti lang. Halimbawa, isang saging lang sa meryenda. Masama kasi ang sobrang busog sa may emphysema dahil naiipit ng tiyan ang baga.

5. Abutin ang tamang timbang. Hindi maganda ang sobrang taba at ang sobrang payat din. Kapag masyadong payat, mawawalan ng lakas ang katawan. Kumain ng masustansiyang pagkain tulad ng gulay, prutas, isda at manok.

6. Tamang paghinga: Huminga nang malalim ng nakabuka ang bibig. Gamitin ang tiyan sa paghinga.

7. Habaan ang iyong pag-exhale (paglabas ng hangin). Subukang mag-exhale ng nakabilog ang bibig (purse lip breathing). Para bang humihihip ka sa isang straw. Mapipigilan nito ang pagsara ng mga air sacs sa baga.

8. Uminom ng vitamin C at E. Mga anti-oxidants ito at baka makatulong sa masamang epekto ng paninigarilyo.

9. Magsuot ng maluluwag na damit. Magluwag din ng pantalon para hindi mahadlangan ang paghinga.

10. Matulog nang nakaangat ang ulo at katawan. Gumamit ng 2-3 unan para mas makahinga.

11. Siguraduhing malinis ang kuwarto at maganda ang daloy ng hangin. Kung may air-conditioner ay mas makagiginhawa pa.

12. Mag-relax at magdahan-dahan lang sa inyong gawain.

13. Humingi ng suporta sa pamilya at magpatingin sa espesyalista sa baga (pulmonologist). Good luck!

OXYGEN
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with