EDITORYAL - Ipursigi ang national ID
EDITORYAL - Ipursigi ang national ID
(Pilipino Star Ngayon) - May 25, 2020 - 12:00am

Si President Duterte na mismo ang nag-utos sa Philippine Statistics Authority (PSA) na simulan na ang rehistrasyon para sa National ID system. Nakita ng Presidente ang kahalagahan nang pagkakaroon ng National ID ngayong may pandemic at nagsasagawa ng ayuda ang pamahalaan sa mga apektado. Kung may ID ang bawat mamamayan, madali ang pamamahagi ng relief goods at ayudang pinansiyal.

Sabi ng PSA, magsasagawa na sila ng registration sa Disyembre at uunahin ang may limang milyong mahihirap na pamilya para magkaroon ng ID. Bibilisan umano ng PSA ang implementasyon.

Mahalagang may ID ang bawat Pilipino at lalong nakita ang kahalagahan ngayong nananalasa ang COVID-19. Dahil walang ID nagkaroon ng problema sa pamamahagi ng relief goods at ganundin ng social amelioration program (SAP). Dahil walang pagkakakilanlan, marami ang hindi nakatanggap ng relief goods at SAP samantalang nagdoble-doble o nagtriple ang pangalan ng iba sa listahan. Kung may ID, hindi mahihirapan sa pagtukoy sa mga pagkakalooban ng ayuda.

Agosto 6, 2018 nang lagdaan ng Presidente ang Philippine Identification System Act kung saan, lahat nang mamamayang Pilipino, 18-anyos pataas ay magkakaroon ng National ID. Itinakda ang Hulyo 2019 sa pagsisimula sa pagbibigay ng ID sa ilang rehiyon at pagpasok ng 2020 ay ang full implementation sa buong bansa. Nakasaad sa ID ang buong pangalan, petsa ng kapanganakan, saan ipinanganak, tirahan, nasyonalidad at biometric information. Ayon sa batas, may pondong P25 billion ang National ID system.

Pero magdadalawang taon na sa Agosto mula nang lagdaan ang batas, walang pag-usad sa National ID. Kung naipatupad ito ayon sa nakatakda, nagamit na ngayong may pandemic at hindi sana hilong-talilong ang mga opisyal sa pagbibigay ng ayuda.

Tiyak na sasalungatin ng mga makakaliwa ang implementasyon ng National ID para hindi ito mai-patupad. Katwiran nila, malalabag ang karapatan ng mamamayan.

Hindi dapat intindihin ang mga bumabatikos o kumukontra. Ituloy ang implementasyon ng National ID. Mahalaga ito para mapabilis ang pagtulong sa mamamayan sa panahon ng kalamidad, krisis at pandemya.

PSA
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with